War on drugs, para tuluy-tuloy ang tagumpay | ISUMBONG ANG TULAK, LABANAN ANG DROGA
- BULGAR

- Feb 18, 2019
- 3 min read
MAKALIPAS ang tatlong taon mula nang nilunsad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “giyera kontra iligal na droga” ay mukhang nagtatagumpay ito.
Hindi ito ayon kay P-Duterte, sa mga tagapagsalita niya o sa kapulisan kundi ayon mismo ito sa taumbayan.
Nalalaman natin ang tingin ng taumbayan sa pamamagitan ng “opinion o survey” na siyentipiko ang pagsagawa at kung hindi dinaya ng gumawa ng survey, tama ang paglalahad ng pananaw ng masa.
Ginagawa ang “survey” sa pamamagitan ng pagkuha ng “sample” ng populasyon.
Kumbaga sa isang termos ng kape, hindi natin ito kailangang inumin lahat para malaman kung masarap o hindi. Kukuha lang tayo kahit isang kutsara, ang sample natin.
Kaya sa siyentipikong survey, hindi lahat ng milyun-milyong Pilipino ay tatanungin tungkol sa pananaw nila sa isyu, imposible ito.
Ang tinatanong lamang nila ay 1,200 katao. May sistema ang pagkuha ng sample na ito. Kung minsan, may pagkakataon na nagkakaroon ng pagkakamali (kaya mali ang naiuulat na sentimyento ng bayan), pero madalas, kung walang kalokohan sa pagkuha ng sample ay tama ang naiuulat nito tungkol sa sentimyento ng taumbayan.
Nagsagawa ng ganitong survey ang Social Weather Stations (SWS) noong nakaraang Disyembre para malaman ang tingin ng masa sa giyera kontra iligal na droga ng kasalukuyang administrasyon.
Magandang balita ito sa bayan: Ayon sa survey ng SWS, karamihan ng mga Pinoy, dahil 66 porsiyento sa buong bansa ang naniniwalang nabawasan ang paglaganap ng iligal na droga sa kani-kanilang mga lugar.
Sa Mindanao ang pinakamaraming Pilipino ang nag-ulat ng ganito na halos 83 porsiyento. Sa Kamaynilaan naman ay 67 porsiyento ang nagsabing nabawasan ang paglaganap ng iligal na droga sa kanilang bayan at sa Visayas naman ay 71 porsiyento.
Napakalaking bagay ang pagpuksa sa iligal na droga sa kapakanan ng ating mga kababayan.
Grabe ang naging paglawak ng iligal na droga, lalo na sa mga mahihirap. Ang nangyayari, ipamimigay muna ang iligal na droga nang libre ng mga nagtutulak at hindi magtatagal kapag naadik na ang tao, hindi na ito libre.
Palaki nang palaki ang gagastusin ng adik sa pagbili ng droga. Kaya naman, kagutuman at kahirapan ang inaabot ng pamilya niya.
Hindi lang ‘yan, ang naaadik sa droga ay nawawalan nang kontrol sa kanyang sarili. Kaya madalas magnanakaw at manghoholdap ito para may pera na pambili ng droga.
Ang nangyari bago inilunsad ang giyera kontra sa iligal na droga, pagrabe nang pagrabe ang krimen sa bayan natin. Ang tropa ni dating Pangulong Benigno Aquino III ay walang ginawa laban sa iligal na droga.
Isipin ninyo, kahit ang kanyang kalihim ng hustisya na si Sen. Leila de Lima ay nakasuhan na pinoprotektahan ang mga drug lord na nagbibigay daw ng malaking kuwarta sa kanya para rito? Isipin ninyo, pinabayaan daw ni De Lima na ultimong Bilibid ay ginawang sentro ng mga drug lord?
Napapansin ba ninyong paunti nang paunti ang mga ulat ng holdapan sa bus, pandurukot at akyat-bahay?
Naging kaunti ang mga gumagamit nito kaya kakaunti na rin ang mga adik na nagiging kriminal para pagbigyan ang bisyo nila.
Kumonti na rin, sa tingin natin ang pangkalahatang krimen sa bayan. Ito ay sa dahilang natakot na rin ang mga kriminal ng makita nila ang mga pulis natin na buong tapang na nakikipaglaban sa mga kriminal.
Tumulong tayo sa gobyerno natin sa napakahalagang bagay na ito. Isumbong sa pulisya ang mga nagtutulak ng iligal na droga at huwag matakot. Labanan ang iligal na droga!





Comments