UST, BATANGAS EAC, SMDC-NU AT CHADAO-FEU SA D-LEAGUE


APAT na koponan ang sasabak sa unang pagkakataon bilang panimula ng kanilang kampanya ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D-League sa Paco Arena sa lungsod ng Manila.
Ang apat na koponan ay kinabibilangan ng University of Santo Tomas at Batangas-EAC na syang magtutuos sa unang laro ganap na alas- 2:00 ng hapon at ng SMDC-NU at Chadao-FEU na maghaharap naman sa huling laro ganap na ika- 4:00 ng hapon.
Maglalaro na para sa Tigers sina transferee guard Brent Paraiso at high school star Mark Nonoy at ang Beninese forward na si Soulemane Chabi Yo.
Sila ang inaasahan na makakaagapay ng mga beteranong guards na sina Renzo Subido at Marvin Lee para mamuno sa Tigers.
Nakatakda namang sumabak ang Batangas-EAC na gagabayan ng bago nilang coach na si Oliver Bunyi ,ang pumalit sa dati nilang coach na si Ariel Sison na ibinaba bilang deputy. Pamumunuan ang koponan nina Cedric de Joya at Earvin Mendoza kasama sina JP Maguliano at Renzo Tampoc.
Sa huling laban, sasandigan ni Bulldogs coach Jamike Jarin ang tandem nina Dave Ildefonso at John Lloyd Clemente, kasama si Senegalese big man Issa Gaye para manguna sa kanilang koponan.
Magdi-debut rin ang high-flyer na si Daniel Chatman at mga dating Bullpups na sina Migs Oczon at Robert Minerva.
Sa kampo ng katunggali nilang Tamaraws, sasabak na ang bago nilang slotman na si Cameroonian Patrick Tchuente na syang inaasahan ni coach Olsen Racela para manguna sa Chadao-FEU kasama ng mga holdovers na sina Ken Tuffin, Wendell Comboy, Barkley Ebona, at Hubert Cani. (VA)





Comments