RONDINA, BUMIDA SA UST TIGRESSES; KOYFMAN, SA ATENEO NG UAAP VOLLEY
- BULGAR

- Feb 18, 2019
- 2 min read

NAGAWANG makalusot ng University of Sto. Tomas sa matinding hamon ng Adamson upang maitala ang una nilang panalo, 25-21, 25-21, 24-26, 24-26, 15-6, kahapon sa women’s division ng UAAP Season 81 Volleyball Tournament sa MOA Arena sa Pasay.
“The last three years lagi kaming talo sa first game namin and this is historic for us,” wika ni UST coach Kungfu Reyes. Nanguna sina Sisi Rondina at Milena Alessandrini gayundin ang sophomore na si Eya Laure para sa España-based squad.
Tumapos na topscorer si Laure na may 17 puntos na kinabibilangan ng 13 attacks, 3 kill blocks at isang service ace kasama ang graduating hitter na si Rondina na mayroon ding 17 puntos bukod pa sa 17 digs para sa Tigresses na kumana ng 50 attacks at 11 aces.Nag-ambag si Alessandrini ng 15 puntos.
Sa men’s division, tila ibinando ni Tony Koyfman ang kanyang pagbabalik aksiyon matapos niyang pamunuan ang Ateneo de Manila University sa 25-23, 25-22, 25-15, pagwalis sa De La Salle University.
Umiskor si Koyfman, ang Season 79 Finals Most Valuable Player, ng 15 puntos, 13 galing sa attacks para sa Blue Eagles. “Actually, we’re expecting na mahihirapan kami since first game namin, magkakapaan pa and everything. Nakita naman sa first two sets. Everybody’s waiting for someone to work hard and initiate the energy, to initiate the intensity inside the court,” pahayag ni rookie Blue Eagles coach Timmy Sto. Tomas, ang pumalit kay Oliver Almadro na siya na ngayong coach ng Lady Eagles.
Nauna rito, inungusan ng Adamson University ang University of Santo Tomas sa loob ng limang sets, 33-31, 23-25, 16-25, 25-15, 16-14, para humanay sa mga opening day winners University of the East at Far Eastern University. Umiskor ng 23 puntos si team captain Paolo Pablico upang pangunahan ang naturang panalo ng Falcons. (VA)





Comments