MMDA, gising! FOOTBRIDGE NA MALA-TINIKLING, PERHUWISYO ANG DULOT SA MGA DUMARAAN


“PARANG nagtitinikling o nagtsa-Chinese garter”, ganito inilarawan ng ilang mamamayan ang footbridge sa Congressional corner Mindanao Avenue kung saan kita sa akto kung paano delikadong tumawid ang lalaki matapos niyang i-upload sa kanyang Facebook account ang video na pinagpiyestahan ng netizens.
Matatandaang, hindi ito ang unang footbridge na inireklamo dahil sa pagiging palpak ng pagtatayo sa mga ito dahil maging ang mala-‘stairway to heaven’ na footbridge na makikita sa Kamuning ay ganitung-ganito rin ang naging sitwasyon.
‘Yun nga lang, parang wala namang nagiging aksiyon dahil patuloy pa rin silang naglalagay ng mga footbridge kahit hindi ito napag-aaralan nang mabuti.
‘Yung tipong, makagawa lang ayos na at wala ng pakialam sa mga daraan kahit mahirapan pa sila.
Sakit sa ulo, ‘di ba?
Kaya naman nais nating kuwestiyunin at kalampagin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa dumaraming footbridge na palpak na itinatayo kung saan-saan.
Sa totoo lang, imbes kasi na nakatutulong sana ito para maiwasan ang mga disgrasya at iba pang klase ng kapahamakan, tila mas dumaragdag lang ito sa problema.
Kung tutuusin dapat kung may magiging aberya sa lugar na pagtatayuan ng footbridge na magiging delikado para sa tao lalo na sa mga batang dumaraan, dagdag pa na maraming eskuwelahan ang malapit dito, pag-isipan munang mabuti o kaya ay humanap ng alternatibong plano o paraan para hindi nasasayang ‘yung pondong mga mamamayan din naman ang nagpupundar.
Kaya sa mga madaraan sa mga footbridge na ‘mema’, ingat-ingat na lang muna!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments