top of page
Pokwang.jpg

Kaso idinaan na lang sa drama ni Maria Ressa

RJ Nieto
Feb 18, 2019
4 min read

LAST week, saksi tayong lahat sa drama Maria Ressa kaugnay ng cyber libel case na sinampa ni Wilfredo Keng, isang private citizen na ibinalitang “drug trafficker” ng Rappler, ang website ni Ressa. Imbes na magbayad ng kakarampot na piyansa, nagpaaresto si Ressa para mas dramatic ang ganap.

Taliwas sa ipinipinta ng ilang mga media outlet, hindi siya ang unang peryodistang nakasuhan ng libel sa bansa. Kung tutuusin, suwerte pa siya dahil private citizen lang ang complainant.

Si ex-Pres. Corazon Aquino, hinabla si Louie Beltran ng Philippine Star noong 1987.

Si Atty. Pancho Villaraza na personal lawyer ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo, hinabla si Ninez Cacho-Olivares ng Daily Tribune noong 2003. Si ex-Pres. “Erap” Estrada, hinabla si Jojo Robles ng Manila Standard noong 2006.

Si Sen. Franklin Drilon, hinabla si Boy Mejorada ng Iloilo Press Club noong 2017.

Si Sen. Antonio Trillanes IV, hinabla si RJ Nieto (ako ‘yun!) ng Thinking Pinoy, DWIZ 882 A.M. at BULGAR noong 2018!

Kahit si Vice-Pres. Leni Robredo, na kasama sa mga nagkondena ng libel case kay Ressa ay nanakot din sa kaso laban sa blogger na si Drew Olivar ilang buwan lang ang nakalipas.

Hindi natin sinasabing okay lang na mademanda ng libel, pero hindi natin ma-gets kung bakit siksik, liglig at umaapaw ang media coverage sa kaso ni Ressa, kahit pang-araw-araw na realidad sa pamamahayag ang libel cases.

Pabirong sabi nga sa atin ni Jojo Robles noong idinemanda tayo ni Trillanes, “ayan, RJ, tao ka na! Ang totoong journalist, nakararanas ng demanda!”

Samantalang si Ressa, kung maka-react, akala mo bibitayin! ‘Yung tipong ipinipinta ni Ressa na siya si Judy Ann Santos, si Pres. Duterte si Gladys Reyes, at nasa set sila ng Mara Clara, di ba?

Pero napag-alaman nating baka may mas malalim na dahilan sa likod n dramang ito.

Sala-salansan ang ebidensiyang guilty si Ressa, hindi lang sa paninira sa isang pribadong tao, kundi sa paninira gamit ang fake news.

Kaliwa’t kanan ang sinabing depensa ni Ressa matapos niyang maaresto, mga depensang pawang puro technicality lang na madaling barahin.

Napakaraming palusot si Ressa na puro technicality lang at tila wala sa listahan ng palusot ang “katotohanan”. Kahit minsan, hindi sinabi ni Ressa na katotohanan lang paninira niya at doon tayo may problema.

Dahil fake news ang isinulat ng Rap­pler, mapapadali kay Keng na ipanalo ang cyber libel case laban kay Ressa.

Para mapatunayan ang kasong cyber libel, limang elemento ang kailangan ipakita ni Keng:

Una, may paninira at ito ang pagta­wag ng Rappler kay Keng na drug trafficker.

Ikalawa, nai-published ang paninira at ginawa ito ng Rappler noong 2012 at 2014.

Ikatlo, pinangalanan si Keng at malinaw na binanggit ng Rappler ang pangalang “Wilfredo Keng”.

Ikaapat, ginawa ang paninira sa internet. Obvious ito dahil website ang Rappler.

Ikalima, may malisya ang paninira at ayon sa batas, automatic na may malisya ang ginawa ng Rappler dahil pribadong tao si Keng.

Wala na talagang debate sa unang apat na elemento ng kaso at ang pag-asa na lang ni Ressa ay kung maipakikitang walang malisya ang paninira niya kay Keng.

Madalas panlaban sa libel cases ang “Public Figure Doctrine”, na siya ring ginamit nina Beltran, Cacho-Olivares, Robles, Nieto at Mejorada, ang mga peryodistang binanaggit sa taas.

Ayon sa Public Figure Doctrine, kung sikat na tao ang naghahabla ng libel, dapat nitong patunayang malisyoso ang paninirang ginawa laban sa kanya. Kung mapatutunayan ni Ressa na Public Figure si Keng, hindi na automatic ang ikalimang element at dapat nang patunayan ni Keng na malisyoso ang paninira ni Ressa.

Sa madaling salita, kailangan ni Keng na ipakitang nanira si Ressa nang walang pakialam kung totoo ba o hindi ang paninirang ito at ayon sa mga ebidensiya, ganu’n na nga!

Una, paulit-ulit na kinausap ni Keng si Ressa mula 2012. Ayon kay Keng, ipinangako ng Rappler na burahin ang article, pero hindi nila tinupad. Hanggang ngayon, makikita pa rin ito sa Rappler website.

Ikalawa, sumulat si Keng sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong 2016 at sinabi ng PDEA na walang drug record si Keng. Alam ito ni Ressa, pero hindi pa rin niya ipinabura ang article.

Ikatlo, nang maihain ang arrest warrant kay Ressa, ipinagkalat nitong pawang panggigipit lang daw ng administrasyong Duterte ang kaso ni Keng, kahit alam niyang walang matibay na kaugnayan si Keng sa administrasyon. Kumbaga, garapa­lang pinapalipit ni Ressa ang kuwento, kahit alam nitong fake news lang ang paninira ng Rappler.

Kung garapalang walang pakiala si Ressa na fake news ang isinulat nila kay Keng, paano niya makukumbinsi ang hukuman na wala siyang malisya?

Puro kadramahan ang ginagawa ni Ressa dahil mukhang wala siyang maayos na depensa sa korte at kung walang maaayos na depensa? Kulong, siyempre!

Kaakibat ng kalayaan sa pamamahayag ang tungkulin na maging tapat sa pagbabalita, tungkulin na isinantabi ng Rappler at CEO nitong si Maria Ressa.

Hindi komo media tayo ay puwede na tayong manira ng kahit sino, kahit hindi totoo!

Sa kasamaang-palad, paninira gamit ang kasinungalingan ang siyang ginawa ng Rappler at ni Maria Ressa, ang Patron ng fake news.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page