Iba't ibang sintomas ng depression
- BULGAR

- Feb 18, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Nang mamatayan ng BF ang anak ko, napansin naming nagiging malungkutin at nawawalan na ito ng gana sa maraming bagay tulad nang pagkain at pagpasok sa trabaho. Ang sabi ng kapatid niya, nade-depress o may depression daw ang ate niya at kailangan nang ipagamot sa psychiatrist dahil madalas, hindi na talaga siya makausap at palagi lang siyang nagkukulong sa kuwarto. Ano ba ang sakit na ito at ano ang mga sintomas nito?— Mrs. Cruz
Sagot
Ang depresyon ay isang mood disorder. Ito ay maaaring mailarawan bilang pagkadama nang matinding kalungkutan o galit na maaaring makasagabal sa pang-araw-araw na pamumuhay ng tao.
Iba-iba ang mga uri ng depresyon na nararanasan ng tao. Maaari itong makasagabal sa pang-araw-araw na mga gawain kaya maaari itong maging dahilan ng pagkasayang ng panahon at productivity.
Hindi tulad ng iniisip ng iba, ang depresyon ay seryosong sakit na magiging mas malala kung hindi pagtutuunan ng atensiyon.
Narito ang ilan sa mga sintomas ng depresyon:
Mood: Galit, pagiging agresibo, pagiging iritable, madalas na pagkabahala at hindi mapakali.
Emosyon: Sobrang kalungkutan at kawalan ng pag-asa.
Pagkilos: Kawalan ng gana sa mga bagay na dati namang ginagawa o paboritong gawin, madaling mapagod, nakaiisip na magpakamatay, paglalasing, paggamit ng droga at paggawa ng mga aktibidad na maaaring ikamatay.
Pakikipagtalik: Kawalan ng ganang makipagtalik o kawalan ng lakas para gawin ito.
Pag-iisip: Kahirapang magtuon ng pansin, hindi matapus-tapos ang mga gawain at hindi makasagot agad sa mga tanong kung nakikipag-usap, mabagal na pag-iisip at pagsasalita.
Pagtulog: Insomnia, hindi sapat na tulog, sobrang pagkaantok at hindi makatulog sa gabi.
Pisikal: Pagkapagod, pananakit ng katawan at problema sa panunaw.
Narito ang ilan sa mga posibleng sanhi ng depresyon:
Pagbabago sa katawan o mga pangyayaring nagaganap sa buhay ng tao.
History sa pamilya — mas malamang na magkaroon ng depresyon kung may kapamilyang nagkaroon ng depresyon at iba pang mood disorder.
Pagkakaroon ng trauma noong bata pa — may ilang mga pangyayari sa buhay ng tao na nakaaapekto kaya siya tutugon sa takot at sa nakai-stress na mga pangyayari sa buhay.
Pagkakaroon ng sakit — may mga partikular na uri ng sakit na nakapagpapataas ng posibilidad na tamaan ng depresyon tulad ng pangmatagalang sakit, insomnia, pananakit ng katawan at attention-deficit hyperactivity disorder (ADHD).
Paggamit ng droga — kapag gumagamit o dati nang gumamit ng droga at alak, mas mataas ang posibilidad na magka-depression.
Mababang tingin sa sarili o madalas husgahan ang sarili o insecurity.
Maraming tao ang mayroong depresyon na hindi nila alam na mayroon sila nito. Makabubuti kung magpapakonsulta agad sa mga lisensiyadong psychiatrist upang mabigyang-gabay tungkol dito. Huwag ipagsawalambahala ang mga sintomas ng depresyon. Ang depresyon ay seryosong sakit sa pag-iisip na kung hindi gagamutin ay maaaring maging dahilan ng malubhang mga kumplikasyon.





Comments