Estudyante tinarakan sa dibdib

MALUBHA ang 19-anyos na estudyante matapos saksakin ng noodle house attendant sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Ginagamot sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sanhi ng tinamong saksak sa dibdib si Joven Tacleon, ng Bgy. 171, Bagumbong.
Kinilala ni Caloocan Police Deputy Chief for Administration Supt. Ferdie del Rosario ang suspek na si Arjay Agcaoili, 19, ng Bgy. 171, na nahaharap sa kaukulang kaso.
Batay sa imbestigasyon, alas-9:00 ng gabi, nakita ni Antonio Hellares, 44, ang suspek na bumunot ng patalim saka nilapitan si Tacleon na nakatayo sa harap ng Visaya Sari-Sari sa Amscaller Association at tinarakan sa dibdib ang biktima.
Humingi ng tulong si Hellares sa mga tauhan ng Caloocan Police Community Precinct 6 na agad namang nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nauna rito, nakita ang suspek na nanapak ng isang bystander sa kahabaan ng Amscaller Association bago sinadyang tadyakan ang motorsiklo na pag-aari ni Hellares habang nakaparada sa harap ng tindahan dahilan ng pagkasira ng headlight at side mirror nito.





Comments