Comelec umamin | MGA PASAWAY NA KANDIDATO MAHIRAP BANTAYAN

AMINADO ang Commission on Elections na hindi nila kayang bantayan ang lahat upang masiguro ang malinis na halalan sa Mayo 13.
Kaya naman apela ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa publiko na tulungan sila sa pagbabantay sa mga kandidatong lumalabag sa Election Law.
Maaari aniyang isumbong sa kanila ang mga makikita nilang maling gawi na may kinalaman sa halalan.
“Ang hinihingi namin makibantay na lang rin kayo dahil hindi namin kaya na bantayan lahat ‘yan,” pahayag ni Guanzon.
Inihalimbawa naman ng poll official ang mga insidente ng vote-buying tulad ng pamimigay ng mga gadget, pera at iba pang items ng mga kandidato sa mga botante na dapat i-report sa Comelec officials sa kanilang lugar, gayundin ang pagkakaroon ng mga illegal campaign materials.
Umapela rin ito sa mga botante na huwag magpasilaw at huwag ibenta ang kanilang boto sa kakarampot na halaga lamang.“Sana, ‘yung mga botante ‘wag na lang kayong magbenta ng boto n’yo kasi ‘yan mahirap para sa Comelec na bantayan at ‘yan talaga nakakasira sa election natin,” dagdag pa ni Guanzon.





Comments