GRANDMASTER, IPINAHIYA NI OLAY NAKA-TRONO SA SINGAPORE RAPID
- Eddie M.Paez, Jr.
- Feb 17, 2019
- 2 min read

NAUNGUSAN sa meta ng untitled chesser ng Pilipinas na si Edgar Reggie Olay ang isang Grandmaster para matagumpay na makaakyat sa trono ng 2019 Hong Bao Rapid Open Chess Tournament sa loob ng Thomson Community Club sa Upper Thomson Road ng Singapore.
Tinapos ni Olay ang torneo sa kartadang anim na puntos mula sa limang panalo at dalawang tabla mula sa pitong salang sa mesa pero hindi ito naging sapat para sa korona dahil anim na puntos din ang naging produksyon ng topseed at no. 4 Singaporean chesser na si GM Buenaventura Villamayor. Ang rekord sa paligsahan ni Villamayor, dating pambato ng Pilipinas at minsan nang naging Asian jr. chess king, ay anim na panalo at isang talo pagkatapos ng pitong rounds.
Nang lapatan na ng unang panuntunan sa tiebreak ang standoff nina Olay at Villamayor, idineklarang may-ari ng championship trophy at $300 cash ang no. 41 pawnpusher ng Pilipinas sa tournament na isinaayos ng Thomson Community Club at ng Singapore Chess Federation
Kasama sa mga nahugutan ng buong puntos ni Olay, may rating na 2321, sina Villamayor (round 6), Malaysian Yuan Sheng Soo (round 1) at ang mga local bets na sina Gerard En Kai Lian (round 3), Feng Sheng Ng (round 4) at Jayden Zhenyong Wong (round 5) samantalang sa hatian naman ng puntos napunta ang engkuwentro niya kina Hariharan Ashwin noong pangalawang round at kapwa Pinoy na si Jimson Bitoon noong huling round.
Ang kartada ni Bitoon na 5.5 puntos ay sapat na para masikwat niya ang huling karangalan sa podium sa sagupaang nilahukan ng may 50 chessers kabilang na rin ang mga kinatawan ng Brazil, China, England, France, Hongkong, India, New Zealand, Poland, Switzerland at USA.





Comments