top of page

Babala sa madalas sumasakit ang ulo!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 17, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Mula nang makapag­trabaho ako bilang secretary, halos araw-araw nang sumasakit ang ulo ko at medyo nanlalabo na rin ang mga mata ko. Marahil, dahil ito sa madalas kong pagga­mit ng computer at cellphone, may naka­pagsabi sa akin na baka ito raw ay astigmatism. Maaari bang pakitalakay ninyo ang tungkol sa astigmatism? Ano ang sanhi nito at paano ito gaga­mutin? — Jeiya

Sagot

Ang astigmatism ay karamdaman sa mga mata na maaaring maging dahilan sa paglabo ng paningin. Kadalasan ay hindi ito seryoso ngunit, nagagamot din. Ito ay nangyayari sa cornea o sa lente ng mga mata. Ang astigmatism ay maaaring kombinasyon ng nearsightedness o farsightedness. Madalas ang astigmatism ay hindi nanga­ngailangan ng pagsasa­ayos ngunit, may mga kaso na nangangailangan ng karapat-dapat na ak­si­yon tulad ng pagsusuot ng salamin sa mata, contact lens o operasyon.

Narito ang iba’t ibang uri ng astigmatism:

  1. Myopic astigmatism — isa o parehong principal meridians ng mga mata ay nearsighted. Kapag dalawang meridians ay nearsighted, ang mga ito ay myopic sa magkaibang antas.

  2. Hyperopic astigmatism — isa o pare­hong principal meridians ng mga mata ay farsight­ed. Kapag dalawang meridians ay farsighted, ang mga ito ay hyperopic sa magkaibang antas.

  3. Mixed astigmatism — isang principal meridian ay nearsighted at ang kabila ay farsighted.

Ang astigmatism ay maaari ring hatiin sa regular at iregular. Sa regular na astigmatism, ang mga principal meridian ay 90 degrees ang agwat (per­pen­dicular sa isa’t isa). Sa iregular na astigmatism, ang principal meridian ay hindi perpendicular. Ka­ra­niwan sa mga astigmatism ay regular corneal astigmatism.

Ang iregular astigmatism ay maaaring sanhi ng mga sumusunod:

  • Pinsala sa mga mata na nagdulot ng peklat sa cornea.

  • Operasyon sa mata.

  • Keratoconus — isang sakit na nagdudulot ng unti-unting pagnipis ng cornea.

Narito ang mga senyales at sintomas nito:

  • Malabo o baluktot na pagtingin.

  • Eye strain.

  • Madalas na pagsakit ng ulo.

Kapag nakaranas ng nasabing mga sintomas, makabubuti para sa pasyente na magpa-examine sa mga mata para malaman kung mayro­ong problema.

Ang astigmatism ay maaaring mula sa pagiging sanggol pa lamang ngunit, maaari rin itong umus­bong pagkatapos magka­roon ng pinsala sa mata, sakit o operasyon sa mata. Ang astigmatism ay nagiging malala dahil sa kakulangan ng ilaw kapag nagbabasa at madalas na panonood ng T.V., pagko-computer, paggamit ng cellphone at iba pa na kung saan matinding naapektuhan ang mga mata ng radiation.

Narito ang maaaring magpataas sa panganib ng pagkakaroon ng astigmatism:

  • Pagmana sa kon­disyon.

  • Operasyon sa mata na kasaysayan ng pag­pepeklat o pagnipis ng cornea.

  • Kasaysayan ng sobrang nearsightedness o farsightedness.

Maaari bang maka­iwas sa sakit na ito?

Ang karaniwang uri ng astigmatism ay hindi maiiwasan ngunit, ang insidente ng astigmatism dahil sa trauma ay maaaring ma­iwasan sa pamamagitan ng pagtutok ng atensiyon sa pag-iingat sa mga mata.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page