17-anyos nagpaalam muna sa FB | POST BAGO BIGTI

DEDO ang 17-anyos na binatilyo na umano’y sangkot sa robbery snatching matapos magbigti sa puno sa harap ng kanilang bahay sa Valenzuela City, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Frank James Esteban na natagpuan ng kanyang ama na si Francisco na nakabigti sa puno ng duhat sa harap ng kanilang bahay sa Bgy. Bignay, alas-4:00 ng madaling-araw.
Humingi ng tulong si Francisco sa kanilang mga kapitbahay saka pinutol ang electric cord na nakapulupot sa leeg ng biktima at pinagtulungang ibaba ang katawan saka ini-report ang insidente sa Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 7.
Ayon kay Valenzuela Police Chief Senior Supt. David Nicolas Poklay, inamin ni Francisco sa pulisya na ang kanyang anak kasama ang isang Nelson Aberon ay sinampahan ng kasong robbery snatching with physical injuries sa Meycauayan, Bulacan City Prosecutor’s Office.
Sinabi pa ni Francisco sa pulisya na bago ang insidente, nakatanggap ng summon ang kanyang anak na kailangan siyang dumalo sa pagdinig, Biyernes ng umaga.
Napag-alaman din ng pulisya na bago ang pagpapakamatay ng biktima, nag-post ito ng salitang “PAALAM” sa kanyang Facebook account alas-3:47 ng madaling-araw, 13 minutes bago nadiskubre ang nakabigting katawan nito.
Ani Sr. Supt. Poklay, lumagda ang ama ng biktima sa waiver na nagpapahayag na hindi na sila interesado sa isasagawang imbestigasyon at autopsy sa katawan ni Frank James sa paniwalang walang naganap na foul play sa pagkamatay ng kanyang anak.





Comments