Tigdas, lumala | BAKUNA CENTERS ITATAYO SA MGA MALL, FAST FOOD CHAIN

NAPAGPASYAHAN ng Department of Health-Calabarzon na magtayo ng vaccination centers sa piling fastfood chains at malls sa rehiyon. Kaugnay ito sa patuloy na pagdami ng bilang ng may kaso ng tigdas. Ayon kay DOH-Region 4-A Director Eduardo Janairo, ito ay bilang suporta sa massive immunization drive ng pamahalaan.
Kaugnay nito, hinikayat ni Senador Sonny Angara ang mga magulang na huwag mag-atubiling pabakunahan ang kani-kanilang mga anak kontra tigdas at dalhin sa pinakamalalapit na health centers.
Ayon kay Angara, isa sa mga awtor ng Universal Healthcare Bill na naglalayong gawing all-inclusive ang health coverage sa lahat ng Pilipino, ang bakuna kontra tigdas ay libre lamang na ibinibigay sa mga health center lalo na sa mga rural health clinic sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Sa kasalukuyan, ayon pa rin sa DOH, umaabot na sa mahigit 4,000 katao ang may tigdas at karamihan sa mga ito ay mga bata. Napag-alaman na ang mga namatay dahil sa naturang karamdaman ay walang anumang rekord ng pagpapabakuna.
Ang mga sanggol na may edad na 6-11 buwan ay maaari nang mabakunahan sa unang pagkakataon at ang ikalawang bakuna, sa gulang na isa hanggang dalawa.





Comments