PSL: TORNADOES AT LIFESAVERS SUSUKATIN NA ANG SLR AT UVC


NARITO na ang matagal nang hinihintay, ang pagbabalik ng Philippine Superliga Grand Prix na magiging eksplosibong muli sa ilalatag na double-header sa opening ceremony ngayong Sabado sa Ynares Sports sa Pasig City.
Masusuri ng Generika-Ayala ang tibay ng Sta. Lucia ng 6 p.m. habang ang two-time champion Foton ay babanat sa isinaayos na United Volleyball Club (UVC) ng 4 p.m. salvo sa prestihiyosong women’s club tourney na isasaere sa ESPN5 at 5Plus. Bago iyan, ang walong competing teams ay ipaparada muna mula Oranbo Barangay Hall patungo sa venue kasama ang MFBD Marching Band at ang LBGT group na tampok din sa fans na bibigyan ng tsansa na personal na makasalamuha ang kanilang mga niloloding players.
Imbitado si Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. Peter Cayco upang magbigay ng opening remarks habang si Philippine Olympic Committee president Ricky Vargas ang bibigkas ng inspirational speech bago ideklara ni PSL chairman Philip Ella Juico ang opisyal na pagbubukas ng laro.
Pero pagdating sa court, diyan na ang nagbabagang mga kamay ng mga team. Mamartsa ang Generika-Ayala na may high morale kasunod ng impresibong laro sa All-Filipino Conference ng torneo.
Sa gabay ni head coach Sherwin Meneses at banat nina Marivic Meneses, Fiola Ceballos at Patty Orendain sa mainit na pagtatapos, nakapasok ang Lifesavers sa semifinals bago kinapos sa powerhouse F2 Logistics squad. Ang impresibong paghahabol na ito ang nagbigay sa Lifesavers ng mataas na morale hanggang sa import-flavored Grand Prix. “Our confidence is high,” ani Meneses, na ipaparada si open spiker Nikolle del Rio ng Brazil at middle blocker Kseniya Kocyvit ng Azerbaijan na pakay ang pag-abanse sa finals sa unang pagkakataon mula nang pagwagian ang korona noong 2014. “As much as possible, we want to give our local players a lot of opportunities in the Grand Prix. That’s why we tapped a middle blocker and an open spiker as imports. We want to reward our locals for a job well done in the previous conference.”
Sasalang ang Sta. Lucia na umaasa lang sa dasal ngayon bunga ng winless campaign sa All-Filipino at magkaroon ng bagong coach na si dating National University mentor Babes Castillo. Sinabi ni Castillo na si Filipino-American spiker MJ Philips ay hindi pa nakakarekober mula sa shoulder injury, pero ang iba pang team sa pamumuno ni American imports Molly Lohman at Casey Schoenlein ay pawang handang bumanat. Mayroon din silang bagong players na sina dating Adamson ace Amanda Villanueva at Ateneo libero Rio Lo habang sina veterans Michelle Laborte, Rubie de Leon at Pam Lastimosa ay nagbalik muli sa tour of duty. ”I expect more energy from the team now,” ani Castillo, na pinalitan si George Pascua noong off-season. “
Aabangan din ang pagtutuos ng Foton at UVC. Sa kabila ng kawalan ng magkapatid na posteng sina Jaja Santiago at Dindin Manabat, nanatili ang puwersa ng Tornadoes. Salamat at nadagdag sina imports Selime Ilyasoglu ng Turkey at Courtney Felinski ng United States at local hitter Elaine Kasilag.
Sa kabilang banda, ang UVC na dating Cocolife ay inayos ang pagkuha ng players noong off-season sa katauhan nina Filipino-Hawaiian setter Alohi Robins-Hardy at Kiwi Amy Ahomiro kasama sina American imports Tai Manu-Olevao at Yasmeen Bedart-Ghani. (MC/VA)
Laro Ngayon: (Ynares Sports Arena, Pasig City) 3:00 p.m. — Opening ceremony : 4:00 p.m. – UVC vs Foton: 6:00 p.m. – Sta. Lucia vs Generika-Ayala.





Comments