PILIPINAS 3X3 PRESIDENT’S CUP START NA ANG MAAKSIYONG TATLUHAN


ISANG bagong kabanata sa kasaysayan ng basketball sa Pilipinas ang magsisimula ngayong araw sa opening ng Chooks-To-Go Pilipinas 3X3 Presidents Cup, ang nag-iisang liga ng tatluhan sa bansa, sa SM Megamall simula 11 a.m. Isang dosenang koponan ang magtatagisan sa unang hakbang patungo sa gantimpalang P1-M.
Napipisil na maagang paborito ang Grindhouse Kings-Pasig, ang kampeon ng preseason tournament noong Enero at kinabibilangan ng beteranong si Dylan Ababou at mga baguhang sina Troy Rike, Joshua Munzon at Taylor Statham. Dahil sa kanilang ipinakita, nagpalakas ng husto ang 11 iba pang kalahok na Vigan Baluarte Wolves, Bataan Risers, Bulacan Kuyas, Valenzuela Classic, Pasay Voyagers, Go For Gold-San Juan Knights, Zark’s Jawbreakers-Quezon City, Marikina Shoemasters, Bacoor Strikers, Max4 Birada-Cebu at Zamboanga Valientes.
Maliban kay Ababou, maraming dating PBA player ang nakalista sa mga koponan. Hahatiin sa apat na pangkat ng tatlo ang mga koponan at maglalaro ng dalawang beses ang bawat isa. Ang mga numero uno sa bawat pangkat ay didiretso sa semifinals at ang mga magwawagi ay maghaharap sa finals.
Bibigyan ng puntos ang mga koponan at ang mga puntos na ito ang gagamitin upang malaman kung sino ang tatanghaling pangkalahatang kampeon pagkatapos ng ika-anim at huling torneo sa Abril 6. Ang iba pang mga torneo ay gaganapin sa Peb. 24, Marso 1, 9 at 31 sa mga piling SM Malls.
Magdaraos din ng Three-Point Shootout at Slam Dunk Contest kung saan inaasahang sasali si Kobe Paras ng UP Maroons, Ang Chooks Pilipinas 3X3 ay makakatulong ng malaki sa paglikom ng puntos upang umangat ang ranggo ng Pilipinas sa FIBA 3X3 at makasali sa 2020 Tokyo Olympics.
Ang mga magwawagi ay kakatawanin ang Pilipinas sa FIBA 3X3 World Tour at iba pang pandaigdigang palaro. (A. S./V.A.)





Comments