top of page

Paraan para hindi magkaroon ng kuliti

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 16, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Madalas kong pinoproblema ang pagka­karoon ko ng kuliti sa aking mga mata, minsan, sa kaliwa tapos lilipat naman sa kanang mata. Nakaiirita ito, lalo na sa trabaho ko kapag kumikirot. May nana ito sa loob at dahil gusto ko itong mawala agad, tinitiris ko ito. Ano ba ang sanhi nito at dapat kong gawin para mabilis gumaling? — Estela

Sagot

Ang kuliti o stye ay namumulang pantal, kahawig ng taghiyawat na maaaring tumubo sa labas o sa gilid ng talukap ng mga mata. May ilang pagkakataon na ang kuliti ay maaaring tumubo sa mismong loob ng talukap ng mga mata.

Ang talukap ng mga mata ay naglalaman ng napakaraming oil glands na maaaring magtakip ng dumi sa katagalan. Kung ang oil glands na ito ay mabarahan ng dumi, ang mga mikrobyo ay maaaring dumami sa loob. Ito ang pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng kuliti.

Ang kuliti ay kadalasang may kasamang sakit at pamamaga, abnormal na pagluluha.

Gayunman, nawawala rin ito pagkaraan ng 7 – 10 araw gamit ang simpleng pangangalaga sa loob ng inyong bahay.

Narito ang ilan na maaari nating gawin kung nakarararanas nito:

  • Ugaliing maghugas ng mga kamay.

  • Huwag tirisin ang butlig — maaari itong magdulot ng impeksiyon. Hayaan itong kusang matiris ang kuliti o pumunta sa doktor para ito ang gumawa ng pantanggal ng nana.

  • Gumamit ng malinis na tela o gasa — basain ito ng maligamgam na tubig. Pigain at ilagay ang basang tela sa apektadong mata sa loob ng 5-10 minuto. Gawin ito ng tatlo hanggang apat na ulit, bawat araw.

  • Kung gumagamit ng contact lenses, mas mainam na gumamit muna ng normal na salamin para maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon dahil dito.

  • Gumamit ng baby shampoo — maaaring gumamit ng shampoo na pambata, ihalo sa maligamgam na tubig at ipahid sa talukap gamit ang cotton buds at banlawan nang maayos.

  • Huwag gumamit ng lumang make-up.

Paano ba makaiiwas sa kuliti?

Kapag madalas magkaroon ng kuliti, kinakailangang mas pangala­gaan ang mga pilik-mata. Kailangan maalis ang mga dumi at dead skin cell dahil ito ang paboritong kainin at pamugaran ng bacteria.

Gayunman, ang pinakamabuti pa ring gawin ay magpakonsulta sa doktor, lalo na kapag dumadalas ang pagtubo nito nang gayun ay masuri ito at maresetahan din ng gamot kung kinakailangan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page