Kaukulang batas tungkol sa paggamit ng tseke bilang kabayaran sa pagkakautang

Dear Chief Acosta,
Ako ay umutang ng pera at mayroon kaming kasunduan kaugnay sa pagbabayad ng interest. Limang buwan na ang nakararaan nang bayaran ko ito ng buo sa pamamagitan ng tseke na kanya namang tinanggap nang walang pagtutol. Mayroong sapat na pondo ang aking tseke, subalit, hindi niya ito kailanman ipina-encash. Ngayon, sinisingil niya ako ng karagdagang bayad ng interest dahil hindi pa raw ako bayad dahil hindi raw legal tender ang ibinigay kong tseke. Tama ba siya? — Vilma
Dear Vilma,
Para sa inyong kaalaman, ayon sa Korte Suprema sa Far East Bank & Trust Company vs. Diaz Realty, Inc. (G.R. No. 138588, 23 August 2001, Ponente: Honorable former Chief Justice Artemio V. Panganiban):
“For a valid tender of payment, it is necessary that there be a fusion of intent, ability and capability to make good such offer, which must be absolute and must cover the amount due. Though a check is not legal tender, and a creditor may validly refuse to accept it if tendered as payment, one who in fact accepted a fully funded check after the debtor’s manifestation that it had been given to settle an obligation is stopped from later denouncing the efficacy of such tender of payment.”
Sang-ayon sa nabanggit, bagama’t, ang tseke ay karaniwang hindi itinuturing na legal tender, ang pagtanggap nito ng inyong pinagkakautangan bilang kabayaran ng inyong pagkakautang at ang kanyang kaalaman na ito ay mayroong sapat na pondo ay sapat na upang ituring na mayroong bisa ang inyong pagbabayad. Sa kadahilanang ito, walang sapat na basehan ang kanyang pangongolekta sa inyo ng karagdagang interest dahil kayo ay wala nang obligasyon kung saan ang naturang interest ay kanyang ibinabase.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments