Ka-date ang ‘misis’ | MISTER NIRATRAT, TODAS

UTAS ang isang electrician makaraang tambangan sa gitna ng kanyang Valentine’s Day date sa kinakasama sa General Santos City, Huwebes ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagpunta ang mag-live-in partner na sina Julito Premor at Jessa Bagayan sa isang videoke stall sa Bgy. Dadiangas South sa nasabing lungsod para i-celebrate ang Araw ng mga Puso.
Sa salaysay sa pulisya ni Bagayan, nagpaalam lang siya sandali sa kanyang kinakasama para pumunta sa palikuran nang makarinig ng putok ng baril.
Nang bumalik siya sa kinaroroonan ni Premor ay nakita nitong mabilis na naglakad palayo ang dalawang lalaking nakasuot ng helmet. Kasunod nito, napansin niya ang duguan at nakahandusay na katawan ng biktima. Bagama’t, naisugod pa sa ospital, hindi na rin umabot ng buhay ang biktima.
Palaisipan kay Bagayan ang posibleng motibo sa krimen dahil wala umanong naikukuwento ang kinakasama na maaaring problema o atraso nito para maging dahilan ng pagpaslang sa kanya.
Patuloy nang sinisiyasat ng pulisya ang nasa likod ng krimen.





Comments