Dredging sa manila bay, sisimulan na

UUMPISAHAN na sa susunod na linggo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dredging activities sa Manila Bay.
Ito ay matapos makumpleto ng DPWH-Bureau of Equipment ang bathymetric o depth measurement survey, water quality test at ocular inspection sa Manila Bay at Navotas River.
Sinabi ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na ang resulta ng mga isinagawa nilang survey at pagsusuri ay ang magiging batayan sa dredging activities sa mga paparating na linggo.
Ang dredging aniya ang major mechanism para matanggal ang mga naipong pollutant sa Manila Bay habang ang bathymetric survey ay mahalaga para matantiya ang dami ng mga dumi na kailangan alisin at matukoy ang mga lugar na dapat mapagtuunan sa clean-up.
Ayon sa DPWH, ang tatlong dredging sites ay ang Navotas River, Estero de Vitas sa Tondo at ang prayoridad na 100 metro mula sa shoreline ng Manila Bay mula sa Manila Yacht Club breakwater at U.S. Embassy.
Kaugnay nito, inihahanda na ng DPWH ang strategic deployment plan para sa mga equipment fleet na binubuo ng amphibious excavators, dumping scows, dump trucks, debris segregator, street sweepers at vacuum sewer cleaner.
Idi-deploy ang nasabing mga equipment sa huling linggo ng Pebrero hanggang sa unang linggo ng Marso.
Dagdag pa ni Villar, regular na imo-monitor ng DPWH ang water quality sa Manila Bay sa kabuuan ng proyekto para makamit ang layunin ng rehabilitasyon nito.





Comments