Sintomas ng pagkakaroon ng bato sa apdo
- BULGAR

- Feb 15, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Na-diagnosed ang nanay ko na may bato raw ito sa kanyang apdo. Sa ngayon, ang madalas niyang nararamdaman ay ang pananakit ng tiyan o sikmura niya hanggang sa kanyang likod. Saan ba ito nakukuha at maaari ba itong matunaw sa gamot? — Flor
Sagot
Ang proseso ng stone formation sa apdo ay tinatawag na cholelithiasis. Karamihan ng gallstones ay sanhi ng kolesterol. Ang bato sa apdo ay ang karaniwang panganib sa pagkakaroon ng kanser sa gallbladder. Ang bato sa apdo ay koleksiyon ng mga kolesterol at iba pang mga sangkap na bumubuo sa gallbladder at maaaring maging sanhi ng pamamaga.
Anu-ano ang mga uri ng bato sa apdo?
Cholesterol gallstones — ito ang pinakakaraniwang uri ng bato. Ang gallstones ay pangunahing binubuo ng hindi natunaw na kolesterol ngunit, maaaring maglaman ng iba pang mga bahagi mula sa gallbladder.
Pigment gallstones — ito ay kadalasang nabubuo kapag ang apdo ay naglalaman ng maraming bilirubin. Ang bilirubin ay kemikal na nabubuo sa atay mula sa lumang pulang selula ng dugo. Nabubuo ito kapag ang gallbladder ay hindi na kayang ilabas ang labis na bilirubin.
Ano ang mga sintomas ng pagkakaroon ng bato sa apdo?
Matinding kirot sa parte ng tiyan o puson patungo sa likod at paakyat sa mga balikat.
Pagkahilo at bahagyang pagsusuka.
Panlalamig at lagnat.
Paninilaw ng balat.
Matingkad na kulay ng ihi.
Maputlang dumi.
Narito ang mga taong madalas tamaan ng bato sa apdo:
Babae — mas malaki ang posibilidad sa pagkakaroon ng gallstones sa mga babae, partikular sa mga buntis at umiinom ng birth control pills.
Edad 40 o mas matanda.
Sobrang katabaan — ang sobrang katabaan ang nagpapataas ng dami ng kolesterol sa apdo na maaaring maging sanhi ng pagkakabuo ng bato.
Genes — namamana ito.
Ano ang maaaring gawin upang lunasan ang bato sa apdo?
Laparoscopic cholecystectomy — ito ay surgical na paraan sa paglunas sa bato sa apdo. Tatanggalin ng doktor ang gallbladder sa pamamagitan ng maliit na hiwa sa tiyan na daraan sa laparoscope at iba pang gamit pang-opera.
Non-surgical treatment — gumagamit ang doktor ng mga gamot tulad ng ursodiol at chenidiol upang matunaw ang gallstones. Tumatalab lamang ito kapag ang uri ng bato sa apdo ng pasyente ay cholesterol stone.
Paano maipalalabas ang bato sa apdo?
Para sa unang limang araw, uminom ng apat na baso ng apple juice, araw-araw o kumain ng apat o limang mansanas. Nakatutulong ang mansanas na palambutin ang bato sa apdo ngunit, siguraduhing kumain ng normal sa loob ng panahong ‘yun. Sa ikaanim na araw, huwag kumain ng kahit ano para sa hapunan, maliban sa isang kutsarita ng epsom salt na tinunaw sa isang baso ng maligamgam na tubig. Pagpatak ng alas-8 ng gabi, ulitin ang parehong gawain upang mabuksan ang gallbladder ducts. Pagpatak naman ng alas-10 ng gabi, kumuha ng kalahating tasa ng olive oil o sesame oil at kalahating tasa ng sariwang lemon juice, paghaluin ito at inumin. Nakatutulong itong mabilis na mapalabas ang bato sa apdo.




Comments