Rappler CEO Maria Ressa, nagpiyansa
- Mylene Alfonso
- Feb 15, 2019
- 1 min read

NAGPIYANSA na sa Manila Regional Trial ang Rappler CEO at Executive Editor Maria Ressa ng halagang P100,000 para sa kanyang kasong cyber libel.
Alas-11:00 ng umaga nang magtungo si Ressa kasama ang kanyang mga abogado sa sala ni Judge Maria Teresa Abadilla ng the Manila Regional Trial Court-Branch 45 matapos magpalipas ng gabi sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ang kaso ay nasa sala ni Judge Rainelda Estacio-Montesa ng Branch 46, pero wala ito dahil may trial duty sa Las Piñas Court, kahapon.
Tinangka ng mga abogado ni Ressa na makapagpiyansa ito sa Pasay noong Miyerkules ng gabi sa night court pero hindi ito tinanggap ng Metropolitan Trial Court dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon sa kaso na nakabimbin sa Regional Trial Court.
Matatandaang, inaresto si Ressa ng mga ahente ng NBI sa opisina ng Rappler, bandang alas-5:00 ng hapon sa pamamagitan ng warrant of arrest na inilabas ng korte sa kasong cyber libel. Kaugnay ito ng pag-apruba ng DOJ sa pagsasampa ng kasong cyberlibel Section 4 (c)(4) of the Cybercrime Prevention Act of 2012 (Republic Act No. 10175) laban kay Ressa at reporter na si Reynaldo Santos, Jr.
Ang pagsasampa ng kaso ay nag-ugat sa reklamo ng negosyanteng si Wilfredo Keng, kaugnay sa artikulo na “CJ using SUVs of controversial businessman” na tumutukoy sa namayapang Supreme Court Chief Justice Renato Corona, na noon ay isinasailalim sa impeachment trial. Itinanggi naman ni Keng ang alegasyon at hiniling na tanggalin ang artikulo pero nanatiling nasa online.





Comments