Para makaiwas sa mga kawatan | Paalala sa lahat, doble-ingat sa pahabol na pagdiriwang ng Araw ng mg
- BULGAR

- Feb 15, 2019
- 1 min read

‘IKA nga, ang pag-ibig ay parang holdapan, nasa sa iyo ang desisyon kung ipaglalaban mo ng patayan o bibitawan mo na lang dahil takot kang masaktan. Hugot!
Kahapon kahit bumuhos ang mga taong nagdiwang ng Valentine’s Day, tiyak na hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagbabakasyon o namamasyal para ipagdiwang ito, sakto pa at araw din ng suweldo kung saan hindi maiiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa mga pampublikong lugar.
Kaya naman, para sa kaligtasan ng lahat, inaabisuhan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na manatiling alerto nang sa gayun ay maiwasan ang anumang klase ng peligro.
Sa ngayon, tiyak na nakaabang na ang mga kawatan para tayo ay masalisihan.
Gayunman, sinabi ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na posibleng pagsamantalahan ng mga criminal group ang pagpunta ng marami sa iba’t ibang pasyalan tulad ng mga restoran, mall, amusement park at iba pa.
Sa kasalukuyan, mayroong iba’t ibang paraan o estilo sa pagnanakaw ang mga criminal group tulad ng Laslas Bag/Pocket Gang, Pitas Tactics, Salisi Modus, Credit Card Scam o Baraha Gang, Bukas-Kotse Modus at Ipit-Taxi Modus at dahil hindi natin gugustuhing maging biktima ng mga ito, makabubuti kung magdodoble-ingat tayo.
Dagdag pa rito, iwasang mag-post sa social media kung aalis ng bahay para hindi malusutan ng Akyat-Bahay Gang.
Kaya para sa lahat, sumunod na lamang kung ayaw manganib ang buhay o mapahamak.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments