Padir na si Joey, haping-hapi pa… WINWYN, KUMANTANG MALALIM ANG DAHILAN NG HIWALAYAN NILA NI MARK
- BULGAR

- Feb 15, 2019
- 2 min read

HINDI na nagpabebe si Winwyn Marquez sa presscon nila kahapon ni Enzo Pineda ng first movie nila under Regal Films bilang magkatambal, ang Time and Again, at buong-ningning na inaming break na sila ng boyfriend niya for three years na si Mark Herras.
Bagama’t ayaw nang magdetalye ni Winwyn sa dahilan ng hiwalayan, “malalim na rason” ang sinabi niya at sa kanila na lang daw ‘yun ni Mark.
Basta ang sinabi niya, hindi third party ang dahilan, hindi rin career nila ni Mark o ang titulo niya bilang beauty queen dahil napaka-supportive nga raw ng aktor noong sila pa sa lahat ng dreams niya.
Maayos naman daw ang naging breakup nila at mutual decision ‘yun. Nag-uusap pa rin naman daw sila bagama’t civil lang. Of course, may panghihinayang daw dahil hindi biro ang 3 years na pinagsamahan nila ni Mark, pero ang katwiran na lang ni Winwyn, “Kung kami, kami. Kung hindi, hindi!”
Hindi pa raw siya handang mag-entertain ng bagong suitor. Kung babalik naman si Mark, bahala na raw kung magiging sila uli o hindi na talaga.
Ayon kay Winwyn, ang pinsan niyang si LJ Moreno ang unang nakaalam sa breakup nila ni Mark. At dahil sa tatay niyang si Joey Marquez siya nakatira, mas una naman daw nalaman nito ang status nila ni Mark kesa sa mommy niyang si Alma Moreno.
Ano’ng reaksiyon ng daddy niya sa breakup?
“Wala naman. Siyempre, si Daddy, gusto niya, wala akong boyfriend, wala akong asawa. Tinanong niya kung kumusta si Mark, and sinabi ko namang okay,” kuwento ni Winwyn.
Sa ngayon, happy siyang sa career muna naka-focus lalo’t sunud-sunod ang big breaks na dumarating sa kanya. After niyang maging leading lady ni Vhong Navarro sa Unli Life movie na under din sa Regal Films, ngayon ay bida na siya sa Time and Again kung saan katambal niya ang long-time friend niyang si Enzo Pineda.
May paglilinaw agad si Winwyn na hindi promo sa Time and Again ang pag-amin niyang break na sila ni Mark na nasabay nga sa presscon ng movie kahapon dahil hindi naman daw sila nagpapakilig ni Enzo.
Story at chemistry nila sa movie ang ibinebenta nila at hindi ang kanilang personal life.
Mula sa direksiyon ni Jose Javier Reyes, agree ito na may kakaibang chemistry sina Winwyn at Enzo na makikita sa kanilang first movie na showing na sa Feb. 20.





Comments