Kung maituturing na lehitimong anak ang batang nabuo gamit ang artificial insemination

Dear Chief Acosta,
Sa totoo lang, mahal namin ng asawa ko ang isa’t isa, pero hindi kami magkaroon ng anak. Dahil kami ay matanda na, napagdesisyunan naming subukan ang “artificial insemination”. Nais naming malaman kung maituturing ba naming legal na anak ang dadalhin kong bata gamit ang prosesong ito? — Lolit
Dear Lolit,
Para sa inyong kaalaman, ang batang nabuo bilang resulta ng artificial insemination ay itinuturing na tunay o lehitimong anak ng mag-asawa kung parehong may pahintulot ang nasabing mag-asawa tungkol sa proseso, ang instrumentong kanilang lalagdaan bago ang kapanganakan ng bata at ito ay itatala sa civil registry kasama ang katibayan ng kapanganakan ng ibinungang bata.
Ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Art. 164, Family Code of the Philippines:
“Art. 164. Children conceived or born during the marriage of the parents are legitimate.
Children conceived as a result of artificial insemination of the wife with the sperm of the husband or that of a donor or both are likewise legitimate children of the husband and his wife, provided, that both of them authorized or ratified such insemination in a written instrument executed and signed by them before the birth of the child. The instrument shall be recorded in the civil registry together with the birth certificate of the child.” [Binigyang-diin.]
Samakatwid, alinsunod sa batas kung inyong maitatala ang prosesong inyong isinagawa kaugnay nito, ang magiging anak ninyo ng inyong asawa sa pamamagitan ng artificial insemination ay ituturing na legal ninyong anak.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments