BIRTHDAY GIFT NI JAMES YAP ANG BIG GAMES SA HOTSHOTS

ITO na marahil ang pinakamasayang kaarawan para kay James Yap. Dalawang araw bago ng kanyang kaarawan ay dinala ni Yap ang Rain or Shine sa malaking panalo laban sa Magnolia, 75-74, noong Miyerkules sa PBA Philippine Cup sa Mall of Asia Arena.
Nagbuslo ng three-point play si Yap may 3.5 seconds ang natitira sa fourth quarter upang makuha ang panalo.
Ito ang nagdala sa Rain or Shine ng kanilang pampitong panalo sa loob ng walong laro.
Pang-anim na sunod na panalo na rin ng Elasto Painters sa pagpasok ng liga sa FIBA Basketball World Cup Asian qualifiers break.
Ngayong araw ang kaarawan ni James Yap at masaya siyang magdiriwang nito dahil sa magandang nilalaro ng Rain or Shine ngayong conference.
“Ito ‘yung isa sa mga magandang gift - 7-1, number 1 kami ngayon and magbe-birthday… Sana mag-champion na sa Rain or Shine,” wika ni Yap.
Matatandaang naglaro si Yap sa Magnolia na dating Purefoods ang pangalan. Naglaro siya mula 2004 hanggang 2016 bago nai-trade sa Rain or Shine kapalit ni Paul Lee.
Nagwagi rin si Yap ng dalawang Most Valuable Player awards habang siya ay nasa Purefoods.
Ayon kay Yap, malayo na sa isip niya ang nangyaring trade tatlong taon na ang nakalilipas.
“Hindi ko na iniisip ‘yun kasi kapag iisipin mo ‘yun, nandoon ‘yung gigil, nandoon lahat na gusto mong magpakita. Pero siguro, aaminin ko noong mga bago pa lang na trade. Pero ngayon, two years na so kailangan ko rin mag-relax kasi laging gigil pag sila kalaban so ngayon, relax lang,” saad ni Yap.





Comments