BACOOR AT MARIKINA, NAKAANGAT SA MPBL


NAGAWANG umangat ng Bacoor noong Miyerkules ng gabi nang biguin ang kapitbahay na munisipyong Imus sa 90-79 sa MPBL Datu Cup sa Cuneta Astrodome.
May pinagsamang lakas sina Rocky Acidre at comebacking Gab Banal sa huling bahagi ng laban ng Strikers para sa ikatlong panalo at pinag-ibayo ang win-loss record sa 11-9. Kasunod ng huling panalo, pinagtibay pa ng Bacoor ang lagay sa no. 5 spot sa southern division ng torneo.
Sina Acidre at Banal ay nakagawa ng tig-16 puntos at akayin ang Strikers sa 13-4 run para sa tropa ni coach Leo Isaac.
Pagdating sa depensa, nagawa ng Strikers ang trabaho nila nang pigilan ang karibal sa huling 2:52 ng laban. Nalasap ng Imus ang ika-12 pagkatalo sa 21 laro, naglagay sa team ng pagkapatas sa 7th to 8th spots sa Zambonga team sa torneo.
Malaking panalo ito para sa Bacoor na nanaig sa pag-iskor sa karibal, 44-26 sa shaded lane. Higit pang naging agresibo ang bench player ng Strikers sa pagbanat ng 34-19 na kalamangan.
Sa main game, sinapatos ng Marikina ang host team Pasay, 71-69. Nanguna sa pananapatos sa Shoemasters si Erwin Sta. Maria na isang ex-pro na bumanat ng rebound at pumoste ng doble-dobleng performance.
Tumapos ang 6-foot-4 na si Sta. Maria ng 21 puntos at 9 boards para sa Shoemasters, na umibayo sa win-loss record na 8-14 panalo talo at nakapatas sa 10th hanggang 11th spots ang Paranaque Patriots-F2 Logistics sa southern division ng torneo. (MC)





Comments