63 barangays, pasok sa bangsamoro region
- Madel Moratillo
- Feb 15, 2019
- 1 min read

ANIMNAPU’T TATLONG (63) barangays mula sa North Cotabato ang makakasama sa Bangsamoro Autonomous Region.
Mula ito sa mga bayan ng Aleosan, Carmen, Kabacan, Midsayap, Pigkawayan at Pikit. Ito ay matapos iproklama ng Commission on Elections (Comelec) en banc na nagsisilbing National Plebiscite Board of Canvassers ang pagsama sa mga nasabing barangay sa bagong rehiyon matapos makuha ng ‘yes vote’ ang mayorya ng boto mula sa mga nasabing barangay.
Ang proklamasyon ay ginawa ni Comelec Commissioner Al Parreño, head ng Committee on Bangsamoro Organic Law plebisite, matapos ang apat na araw na canvassing at verification ng resulta.
Ipinroklama rin ng Comelec en banc na hindi makakasama ang mga munisipalidad ng Baloi, Munai, Nunungan, Pantar, Tagaloan at Tangkal sa Lanao del Norte sa Bangsamoro Autonomous Region.
Ang Bangsamoro Autonomous Region ang papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Maliban sa mga lalawigang kasama sa ARMM at 63 barangays sa North Cotabato, makakasama rin ang Cotabato City sa bagong Bangsamoro Autonomous Region matapos manalo ang ‘yes vote’ sa ginawang plebisito roon noong Enero 21.
Ang Cotabato City ay hindi bahagi ng ARMM ngunit, ito ang nagsisilbing seat of government ng ARMM mula noong 2001.





Comments