MGA PUSONG MAAKSIYON, LARGA NA SA PBA D-LEAGUE NGAYON


UMPISA na ng pasiklaban ng mga manlalarong naghahangad na makapaglaro sa Philippine Basketball Association (PBA) ngayong hapon sa pagbubukas ng 2019 PBA D-League ngayong Araw ng mga Puso sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Magtutuos sa unang laban ganap na alas-2:00 ng hapon ang reigning UAAP champion Ateneo-Cignal at ang defending champion Go-For Gold-College of Saint Benilde na parehas magkasama sa Aspirants Group.
Agad namang isusunod ang salpukan ng Marinerong Pilipino at San Sebastian College-Valencia City na magka-bracket sa Foundation group ganap na ika-4:00 ng hapon.
Sa unang pagkakataon ay mapapasabak ang Blue Eagles na inaasahang pangungunahan nina Thirdy Ravena at Isaac Go kasama ang kambal na sina Mike at Matt Nieto sa PBA D-League.
Sa panig naman ng Scratchers, pamumunuan ang kanilang title-retention bid nina Yankie Haruna, Carlo Young, Unique Naboa at Justine Gutang. Samantala sa tampok na laban, mag-uumpisa na ang kampanya ng San Sebastian College na wala na ang ace forward na si Michael Calisaan na naglalaro na ngayon sa PBA sa pangunguna nina Allyn Bulanadi at RK Ilagan.
Sa panig naman ng kanilang katunggaling Skippers, pamumunuan ito ng core ng Centro Escolar University kasama ang mga guest players na sina Santi Santillan ng La Salle at Jed Mendoza ng Jose Rizal University.
Mga Laro Ngayon: Ynares Sports Arena: 2 pm Ateneo-Cignal vs.Go-for-Gold-College of St.Benilde: 4 pm Marinerong Pilipino vs.San Sebastian College-Valencia City. (VA)





Comments