Mga kandidatong gumagamit ng droga at gambling money sa pangangampanya, sampulan!

ANG pagboto ay parang pag-ibig, dapat priceless, gayundin na maging matalino para hindi naloloko! Boom! Kasabay ng pagdiriwang ngayon ng Araw ng mga Puso, panahon na rin ng pangangampanya para sa Halalan 2019 na gaganapin sa Mayo.
Gayunman, may usap-usapan ngayon hinggil sa paggamit umano ng mga kandidato ng drug at gambling money na nangyayari sa Western Visayas kung saan ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay mahigpit ang ginagawang imbestigasyon.
Ayon sa kapulisan ng nasabing lugar, marami silang natatanggap na reklamo hinggil sa paggamit ng droga at pera ng mga kandidato, partikular sa bookies sa kanilang kampanya.
Anila, ang mga kandidatong kabilang umano rito ay ‘yung mga tumatakbo sa pagka-congressman, mayor at councilor kung saan sinabi ni Police Regional Office (PRO)-6 Director Chief Supt. John Bulalacao na ilalabas nito ang pangalan ng mga kandidato kapag natapos na ang kanilang imbestigasyon kasabay ng kanilang pagsampa ng kaukulang kaso.
Dapat lang, para mahiya naman sila kahit papaano! Kaya para sa mga botante riyan, mag-isip-isip na kayo, ganyan ba ‘yung mga opisyal na iluluklok natin sa puwesto? Hmmm…
Gayundin, ipinag-utos ni Bulalacao sa lahat ng mga hepe na arestuhin ang mga nagsasagawa ng iligal na pasugalan nang sa gayun ay walang magamit na pera ang mga kandidato sa kanilang pangangampanya.
Samantala, noon pa man ay usung-uso na talaga ang vote-buying at iba pang iligal na aktibidad tuwing nalalapit ang eleksiyon, pero para hindi tayo samantalahin at lokohin ng mga pasaway na pulitiko, maging wais tayo!
Papayag ba tayo na pati rito, eh, inuuto at binobola lang tayo? He-he-he!
Happy Valentine’s Day, mga ka-BULGAR!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments