Mandatory ROTC sa kolehiyo, napapanahon na!
WIN TAYO SA EDUKASYON
BAGO matapos ang 2018, iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na pabilisin ang pagpapanumbalik ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) dahil pinaniniwalaang magiging tulay ito upang maitatak sa kabataang mag-aaral ang pagmamahal sa bayan at pagiging makabayan.
Bilang vice-chairman ng Senate Committee on Education, Arts and Culture, 2016 pa lamang ay isinumite na natin ang Senate Bill No. 200 o Mandatory Military and Civic Reserve Officers’ Training Corps sa lahat ng kolehiyo, unibersidad at technical-vocational institutions.
Hindi kaila sa atin ang panawagan ng Association of Generals and Flag Officers, Inc. (AGFO) sa pamamagitan ng board resolution na buhaying muli ang ROTC. Ayon sa kanila, ang kasalukuyang umiiral na National Service Training Program (NSTP) ay hindi sapat para maitanim sa isip ng mga kabataang Filipino ang halaga ng disiplina at pagkamakabayan.
Ngayon na ang magandang pagkakataon para maitatag ang basic military at officer training sa mga college student. Sa pamamagitan ng ating panukalang-batas ay mabibigyan ang mga mag-aaral ng kaukulang training upang tumugon sa panawagan sa paglilingkod sa bayan.
Kaya atin ding tinatawagan ang Department of National Defense (DND), Commission on Higher Education (CHEd) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magkaisa para bumuo ng mabisang kurikulum na magagamit sa pagpapalaganap ng mandatory ROTC.
Sa nasabing panukala, mag-aaral ang lahat nito ng dalawang taon. Military training ang nakalaan para sa kalalakihan habang ang mga babaeng estudyante ay daraan sa civic training kung saan sila ay magsasanay sa serbisyong pampubliko tulad ng basic rescue operations at health services.
Sa pagtutulungan naman ng mga mambabatas, mahigpit nitong poprotektahan ang mga estudyante at sisiguraduhing hindi na maulit ang mga nagawang pagkakamali mula sa nakaraan.
Ang maaari lamang maging diskuwalipikado ay ang mga indibidwal na physically o psychologically unfit at ang mga aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Ayon kay CHEd Executive Director Atty. Julito Vitriolo, pinagaganda nila ang ROTC program sa pamamagitan ng pagpapares nito sa ibang programa kung saan mayroong package na kasama ang isang kurso na may karagdagang kasanayan at pagkatuto na tinatawag na dual degree.
Ang ganitong programa ay “stepping stone” upang makamit nila ang full bachelor’s degree.
Nakatutuwang malaman na kaisa natin si Pangulong Rodrigo Duterte sa layuning maipamahagi sa kabataan ang pagiging makabayan at dedikasyon sa paglilingkod.
Sa pamamagitan ng tamang mandato ng mga taong nasa gobyerno, matutulungan natin silang matuto at magbigay ng importansiya ang pagkakaroon ng hangarin sa pusong manilbihan sa ating kapwa at bayan.
Higit sa lahat, malaki ang ginagampanan at gagampanan pa nilang papel sa lipunan. Kaya hangga’t maaga pa lamang, dapat nang pangalagaan ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng tamang disiplina at tunay na pagmamahal sa sariling bayan habang bata ang mga ito.
Sa pamamagitan ng ROTC, ating turuan ang mga kabataan ng kumpiyansa sa sarili, mahubog ang lakas at maging alerto para sa kapakanan ng lahat. Inaasahan natin na papasa ang panukala sa Senado.





Comments