‘Di lang sa world market — PLM | TAAS-PRESYO, EPEKTO NG TRAIN LAW
- BULGAR

- Feb 14, 2019
- 1 min read

BINATIKOS ang isang mambabatas matapos nitong sabihin sa isang panayam na hindi ang kanyang TRAIN Law ang dahilan ng mataas na presyo ng langis na nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon sa Partido Lakas ng Masa (PLM) ang pagtanggi ni Sen. Sonny Angara ng kanyang naging papel sa negatibong epekto sa buhay ng mga mahihirap na pamilya ay dagdag na insulto sa pinsalang inabot nila dulot ng kanyang panukala.
“Itong lantarang paghuhugas-kamay ay isang kaduwagan sa bahagi ni Mr. Angara. Hindi niya maitatanggi ang kanyang pagkakasala dahil siya ang utak sa likuran ng salot na TRAIN Law,” ayon sa grupo. Mula Enero 2018, naningil ang gobyerno ng karagdagang P2.50 kada litro ng diesel at 2.65 para sa gasolina. Sa pagpasok ng taon, muling nagdagdag ng P2 ang gobyerno para sa diesel at gasolina. Sinisi umano ng mambabatas ang presyo sa pandaigdigang merkado bilang dahilan sa pagtaas ng presyo ng krudo.
Gayunman, hindi ito tinanggap ni Sonny Melencio, lider ng PLM. Aniya, ekonomista si Angara at alam niya na mahirap hulaan ang magiging takbo ng presyo ng langis at nakaasa tayo sa mga importer subalit, mas pinili pa rin nitong pahirapan ang mamamayan. (BRT)





Comments