Shocking: Manila Bay, nilinis para sa proyektong reklamasyon ng gobyerno?! Hmmm…
- BULGAR

- Feb 13, 2019
- 2 min read
INAMIN ni Philippine Reclamation Authority (PRA) Assistant General Manager for reclamation and regulation Joseph Literal na kasalukuyang pinoproseso ang 22 apikasyon para sa mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay. Inamin din niya na kung sakaling matuloy ang mga proyektong ito, maaari itong maging sanhi ng polusyon sa nasabing karagatan. Ang mga proyekto ay sasakop ng dalawampu’t dalawang libong ektarya o katumbas ng labing-isang porsiyento ng Manila Bay. Nangatwiran naman si Literal na hindi nila aaprubahan ang proyekto kung hindi sasang-ayon ang mga developer sa “sistema” para mabawasan ang masasamang epekto sa kalikasan.
Hindi ito ikinatuwa ng ilang mambabatas. Matapos ang malakas na sigaw para linisin ang Manila Bay, ito naman ang mga proyektong reklamasyon na sisira rin pala ng kalikasan, bukod sa polusyon na maaaring dala nito. Lilinisin ang Manila Bay para matabunan ng lupa ang higit sampung porsiyento ng kinasasakupang lugar. Kaya umalma ang ilang grupo sa isinapublikong paglilinis, dahil alam nila ang tungkol sa mga proyektong ito. Tatlong proyekto ang inaprubahan na ng PRA na hinihintay na lang ang pirma ni Pangulong Rodrigo Duterte. Depende kung sino ang malapit sa pangulo tulad nina Calida at Diokno.
◘◘◘
Tumanggap ng medalya ang pulis na tinapunan ng taho ng estudyante Chinese national na hindi pinapasok sa MRT. Bawal ipasok ang anumang inumin sa MRT. Imbes na patulan ang estudyante, hindi na lang ito umimik. Nakunan ng video ang insidente kung saan nakita rito ang nagkalat na taho sa katawan at braso ni PO1 William Cristobal. Nag-viral ito sa social media at binatikos nang husto ang estudyante. Ayon sa ilang netizen, foreigner lang ito tapos napakabastos pa.
Sa kabila nito, tila minaliit lang ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Theodoro “Teddyboy” Locsin, Jr. ang insidente. Malakas ang panawagang patalsikin o ipa-deport na ang Chinese national na ito dahil malinaw na wala itong respeto. Bakit kaya?
Hindi natin maintindihan kung ano ang iniisip ng babaeng ito. Karaniwan lang ba ang magtapon ng inumin sa mga pulis sa China kapag hindi nila gusto ang mga alituntunin o dahil isa siyang Chinese sa Pilipinas kaya ang paniniwala ay dapat binibigyan siya ng prayoridad dahil “kaibigan” ng pangulo ang mga Chinese? Mabuti na lang at may mga pulis tulad ni Cristobal, sampung taon na ring pulis, na hindi basta-basta umaaksiyon sa mga “nanlalaban”.





Comments