Illegal refilling station ng LPG, ni-raid

ISANG bodega ng illegal refilling plant ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) ang sinalakay ng mga awtoridad sa Talisay City, Cebu.
Kasabay ng operasyon ang pagdakip sa limang lalaki na sinasabing mga empleyado ng planta.
Isinagawa ang raid ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Branch (PIB) ng Cebu Provincial Police Office (CPPO) at Department of Energy sa Central Visayas (DOE-7) sa Sitio Mananga 1, Bgy. Tabunoc.
Nakumpiska ang tinatayang P4 milyong halaga ng mga gamit at butane canisters na may laman pang LPG.
Napag-alaman sa report na pag-aari umano ng isang dating pulis ang iligal na plantasyon.
Kasamang nakumpiska ang 2,397 empty canisters, 3,558 LPG-filled canisters, 229 cylinders ng 50-kilogram na LPG, 3 refilling machines at 3 air compressors.
May nakuha ring apat na sasakyan kabilang ang isang land cruiser sa naturang lugar na ginagamit sa pagbiyahe ng mga produkto.
Nahaharap ang may-ari ng planta sa kasong paglabag sa Presidential Decree Number 1865 na nagbabawal sa pagbebenta at pagbiyahe ng adulterated petroleum products.
Ang mga butane canister ay hindi umano dapat ginagamit para paglagyan ng LPG dahil ang materyales na ginamit sa paggawa nito ay hindi kayang tumagal sa pressure ng petroleum products.





Comments