Gulay, bagsak-presyo

NABUBULOK na ngayon ang kilu-kilong talong sa mga probinsiya na dahilan ng pagbagsak ng presyo nito sa merkado.
Ayon sa Department of Agriculture, sobra ang inaaning talong, partikular na sa Cabiao, Nueva Ecija kung saan aabot na sa 300 kilos ang nasayang.
Kada ikaapat na araw, dalawang libong talong umano ang inaani at pinipilit na lamang ng mga magsasaka na maibenta sa P6 kada kilo.
Sa Balintawak Market sa Quezon City, ipinagbibili na lang sa P10 hanggang P12 kada kilo ang talong mula sa dating P25 kada kilo.
“Dahil mataas ang presyo ng talong last year, maraming magsasaka ang nagtanim ng talong ngayon so, start here, nagkaroon talaga ng konting over supply kasi sabay-sabay silang nagtanim, eh,” pahayag ni Director Crispulo Bautista ng Department of Agriculture-Region III.
Samantala, sinisisi naman ng mga magsasaka ng sibuyas sa Bongabon, Nueva Ecija ang pagbaha ng inangkat na sibuyas kaya bagsak-presyo na rin sila.
Ipinagbibili na lang ng mga magsasaka sa P15 kada kilo ang sibuyas at naibebenta sa Muñoz Market sa Quezon City sa halagang P60 kada kilo mula sa dating P80 per kilo.
Bumaba rin ang presyo ng iba pang gulay tulad ng kamatis, string beans at ampalaya na nasa P10 hanggang P30 kada kilo.
Inaasahan pa ng mga nagtitinda na babagsak ang presyo ng gulay sa mga susunod na araw.





Comments