Babala sa madalas mapaos!
- BULGAR

- Feb 13, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Mayroon akong pinsan na nagkaroon ng thyroid cancer, pero naka-recover na siya dahil naoperahan siya. Gusto kong itanong, dahil nasa lahi namin ang goiter, posible bang magkaroon din kami nito? Anu-ano ang sanhi at sintomas nito, gayundin mayroon bang natural remedy para rito? — Amy
Sagot Ayon sa mga eksperto, ang goiter ay sakit kung saan namamaga ang thyroid glands ng tao.
Pahirap sa tao ang sakit na ito dahil sa pamamaga, lumalaki at sumisikip ang lalamunan ng pasyente. May mga kaso ng goiter na maliliit lamang ang bukol at karaniwan sa mga ito ay hindi sumasakit o painless.
‘Autoimmune disease’ kung tawagin ang goiter at karaniwan itong nada-diagnose sa pamamagitan ng physical examination at kung kinakailangan ay nagsasagawa rin ng thyroid function blood test. Ayon sa mga pag-aaral, ang sanhi ng sakit na ito ay galing sa iba’t ibang rason.
Narito ang ilan sa mga sanhi ng goiter:
Kakulangan sa iodine — ito ang pinakarason ng pagkakaroon ng goiter. Karaniwan sa mga taong kulang sa iodine ay ang mga vegetarian. Para sa dagdag-kaalaman, ang iodine ay nakukuha sa pagkain ng iba’t ibang seafoods, halamang mayaman sa iodine ang lupa at pag-inom ng gatas ng baka.
Grave’s disease — ayon sa mga eksperto ang grave’s disease ay sanhi ng hyperthyroidism. Isang uri ng malalang goiter.
Hashimoto’s disease — ito ay isang uri ng abnormalidad kung saan nagkakaroon ng sobrang paggawa ng thyroid hormones. Ang sobrang paggawa nito ay nagiging sanhi ng pamamaga ng thyroid glands na maaaring mauwi sa goiter.
Pagbubuntis/pregnancy — ayon sa mga pag-aaral, malaki ang tsansa ng babaeng buntis na tamaan ng goiter dahil sa tinatawag na inflammation.
Thyroid cancer — kapag nakaramdam ng kakaiba sa lalamunan o may nakapang bukol, magpatingin agad sa doktor upang matukoy at maagapan.
Ang sakit na goiter ay laganap sa mga kababaihan, lalo sa mga edad 40 pataas. Dahil isa itong ‘autoimmune disease’, maaaring magkaroon nito kung sa pamilya ay may history ng sakit na goiter.
Narito ang pangunahing sintomas ng goiter:
Pagtubo ng maliit na bukol sa leeg at sa pagtagal ay unti-unti itong lumalaki.
Hirap sa paghinga at paglunok ng pagkain.
Madalas mapaos na may kasamang pag-ubo.
Nahihirapan sa paggalaw ng ulo.
Mas mabilis hingalin.
Unti-unting pagbagsak ng timbang.
Pagkakaroon ng high pitch sound o matinis na boses.
Hair loss o pagkalagas ng buhok.
Matinding pamamawis.
Pagbabago sa mood tulad ng nervousness.
Fatigue o mabilis mapagod kahit sa kaunting aktibidad.
Pagiging sensitibo sa init ng araw.
Abnormal na palpitation ng puso
Narito ang ilang natural remedy para sa goiter:
Bawang — mayroon itong sangkap na may kakayahang magpalakas ng thyroid glands ng lalamunan. Maaaring kumain ng tatlong hilaw na bawang kada umaga o maaaring bumili ng garlic supplements.
Green tea — ang pag-inom ng green tea ay nakatutulong sa pagpalakas ng thyroid glands ng lalamunan.
Seaweeds — mayaman ito sa potassium, magnesium at iodine na pangunahing sangkap na panlaban sa goiter.
Apple cider vinegar — tumutulong ito para tumaas ang iodine absorption ng katawan.
Iodized salt
Gayunman, makabubuti pa rin kung madalas tayong magpapakonsulta sa doktor, lalo na kapag nakaramdam tayo ng mga pagbabago sa katawan tulad ng mga nabanggit na sintomas. Makabubuti ito para maagapan agad ang goiter.




Comments