3 estudyante minanyak ng Chinese, hirit ng 5 pulis | AREGLO NA LANG

SINIBAK sa puwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar ang limang pulis kabilang ang kanilang commander nang payuhan umano ang mga magulang ng tatlong estudyante na minolestiya ng isang Chinese national na inaresto nila na ayusin na lamang ang kaso sa Pasay City.
Inalis sa puwesto ang commander ng Police Community Precinct 1 ng Pasay City Police na si Chief Inspector Remedios Terte; mga tauhan nito na sina SPO3 Timothy Mengote; SPO2 Jonathan Bayot; PO3s Archie Rodriguez at Ranier Dumanacal.
Napag-alaman na nitong Pebrero 7, alas-11:00 ng gabi nang arestuhin ng limang pulis ang suspek na si Zhang Yang, 19, pansamantalang tumutuloy sa Antel Tower sa Pasay City, sa loob ng Dungeon Horror House, Star City Amusement Park, CCP Complex.
Nakatanggap umano ng reklamo ang pulisya kaugnay sa umano’y pangmomolestiya ng suspek sa tatlong babaeng estudyante na edad 18 sa nabanggit na amusement park.
Nang dalhin ang suspek sa presinto, pinayuhan umano ang mga ina ng mga biktima na makipag-ayos na lang sa suspek.
Gayunman, hindi pumayag ang mga biktima at mga magulang nito at tuluyang sinampahan ng kasong acts of lasciviousness ang nabanggit na dayuhan sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Nagreklamo ang mga magulang sa tanggapan ni General Eleazar ukol sa naging payo sa kanila ng mga pulis.
Kaya agad na inalis ng NCRPO chief ang limang pulis-Pasay kabilang ang kanilang commander.





Comments