top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Pagiging aktibo sa sports ng mga kabataan, dapat suportahan!

Win Tayo sa Edukasyon
Feb 12, 2019
2 min read

WIN TAYO SA EDUKASYON

HINDI kaila sa atin na ang ating bansa ay bi­nubuo ng henerasyong may angking-galing sa sports. Kinikilala ng Konstitusyon ang ma­halagang papel na ginagampanan ng mga ka­bataan sa pagbuo ng isang bansa, kaya naman tungkulin ng pamahalaan na itaguyod at protek­tahan ang pisikal, moral, ispiritwal at kalagayang sosyal ng mga kabataang Filipino na maaaring makuha mula sa pagiging aktibo sa sports.

Noong ika-28 Southeast Asian Games na ginawa sa Singapore noong 2015, ang Pilipinas ay nagkamit ng 131 medalya (29 ginto, 36 silver at 66 bronze) at nagtamo ng ikaanim sa puwesto kung saan sa athletics at boxing competition nag­­mula ang mga gintong medalya.

Sa Abril 14, 2019, magtitipun-tipon ang mga kabataan mula sa publiko at pribadong paara­lan sa bawat rehiyon sa bansa sa Palarong Pam­bansa na gaganapin sa Davao City upang ma­kipagpaligsahan sa iba’t ibang laro tulad ng volleyball, basketball, skateboarding, windsur­fing, boxing, table tennis, weightlifting at iba pa.

Sa kasalukuyan, wala pang malakas na sis­tema ng edukasyon sa sports sa ating bansa. Ang mga estudyanteng walang sapat na pang­gas­tos, ngunit, interesado sa paglalaro ay na­wa­walan ng pagkakataong maipamalas ang kanilang husay sa malalaking entablado.

Marami nang napagtagumpayang sports championship games ang Pilipinas sa loob at labas ng bansa ngunit, sa paglipas ng panahon, nakalulungkot na napababayaan na ang pag­pa­pairal ng magagandang layunin at proyek­tong pang-sports.

Kinikilala natin ang marami nang kabataang nakapaglahok ngunit, marami rin ang mga hindi pa nakararanas na makipag­kompetisyon dahil sa kawalan ng budget.

Kailangang maitaguyod ang physical edu­cation sa mga kabataan at himukin sila sa iba’t ibang aktibidad sa sports tulad ng league com­petitions, amateur sports at pagsasanay sa mga international competition.

Napakahalaga rin na sila ay matulungang maipairal ang disiplina sa sarili, teamwork at ex­cel­lence sa paglalaro para maihanda mula sa ma­liliit hanggang sa malala­king kompetisyon.

Ang mga batang kapus-palad na mayroong kakayahan, kasanayan at lakas sa sports ay ka­ra­pat-dapat turuan at paunlarin upang ma­linang ang kanilang abilidad bilang mga man­lalaro.

Dahil sa ganitong sitwasyon ay ating ipina­nukala ang Senate Bill No. 1181 o Philippine High School for Sports Act. Sa tulong ng Department of Education (DepEd) at Philippine Sports Commission (PSC), bubuo rito ng mga programa at patakaran upang matupad ang pa­ngarap ng mga estudyanteng nais makipagpa­ligsahan sa sporting events sa ibang bansa at makapag-uwi rito ng medalya.

Sa pamamagitan nito ay makalilinang din ang mga kabataan na maaaring maging kuwalipi­kadong sports practitioners at world class at­hletes na may solidong academic background, kasanayan sa kompetisyon kapag sila ay na­kapag­tapos.

Sa pamamagitan ng matibay na batas, tiyak na maraming kabataan ang maeengganyo na tumutok sa paglalaro ng sports.

Hindi nito la­yong nakawin ang atensiyon sa kanilang acade­mics ngunit, makatutulong ang sports na sila ay mailayo sa iligal na droga maging sa mental, sosyal at emosyunal na suli­ranin.

Naniniwala tayo na mabuting pag-uugali, magandang gawi at pagtitiwala sa sarili ang ilan sa maidudulot ng kabataang edukado sa larangan ng sports.

Isulong natin ang pagtatatag ng esku­we­lahan para sa mga sports-enthusiast na ka­bataan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page