P5 milyong cocaine, palutang-lutang sa dagat

NALAMBAT ng mag-amang mangingisda ang hinihinalang mga cocaine na palutang-lutang sa karagatang sakop ng Vinzons, Camarines Norte, kamakalawa.
Nakapaloob ito sa malaking kahon na sinasabing nagkakahalagang P5 milyon at nadaanan lamang sa laot ng mag-amang sina Alfredo Vega, Sr., 61, at Alfredo, Jr., 33, hindi kalayuan sa Quinamnucan Island.
Ayon sa Camarines Norte Police Provincial Office, ipinagbigay-alam ng mag-ama sa mga awtoridad ang kanilang natagpuang kontrabando.
Sa isinagawang laboratory test, nakumpirmang cocaine ang laman ng kahon at aabot sa isang kilo ang timbang nito.
Gayunman, hindi pa rin matukoy ng pulisya kung saan nagmula ang naturang droga.
Matatandaang, noong nakaraang taon ay bultu-bultong cocaine ang magkakasunod na nadiskubre ng mga mangingisda sa karagatang sakop ng Quezon at Camarines Norte na tinatayang nagkakahalagang P400 milyon.





Comments