top of page
Pokwang.jpg

Nanay at utol kasabwat sa pangongolekta ng donasyon | KARNAPER NA NAGPANGGAP NA PARI, KULONG

Mylene Alfonso
Feb 12, 2019
1 min read

TIMBOG ang isang miyembro ng Sputnik Gang matapos magpanggap na pari ng Aglipayan Church at nangolekta ng pera sa piyesta, kamakalawa ng tanghali sa Happy Land, Tondo, Manila.

Kinilala ni MPD Station 1 Commander P/Supt. Rey Magdaluyo, ang suspek na si Marlon Ponterez, 38, miyembro ng Sputnik Gang at residente ng Bgy. Bangyas, Calauan, Laguna.

Ayon kay Supt. Magdaluyo, kasama pa ni Ponterez ang kanyang ina at kapatid na babae na nagpapahayag ng Salita ng Diyos at nanghihingi ng donasyon mula sa mga residente ng Happy Land, Bgy. 105 nang siya’y bitbitin ng mga pulis, alas-3:50 ng hapon.

Nagduda umano ang mga residente na isa siyang pari nang tanggapin ang pera at isingit ito sa Bibliya na kanyang dala.

Ayon kay Magdaluyo, hindi umano nag-iipit ng pera sa Bibliya ang pari o pastor dahil ikinukonsidera nilang banal ang Bibliya.

Nag-aalok din umano si Ponterez na babasbasan ang mga bahay ng mga residente.

Sa isinagawang beripikasyon sa rekord ng suspek, nalaman na nabilanggo umano ito sa kasong carnapping at kalalaya lamang noong Oktubre 2018.

Inamin din ni Ponterez na kabilang siya sa grupo ng mga nagpapanggap na pari at umiikot sa mga piyesta.

Sinampahan ng kasong usurpation of authority at robbery extortion si Ponterez sa Manila Prosecutor’s Office.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page