CHUA, SASABAK SA WORLD TEAM TROPHY CAROM, POOL AT SNOOKER

MULING kinilala ang naiambag ng Pilipinas sa larangan ng pagtumbok sa buong mundo matapos na mapili ang isang bilyaristang Pinoy para lumahok sa kakaibang salpukan ng cue artists sa torneong naglalayong mapabilang ang larangan ng pool sports sa 2024 Paris Summer Olympics.
Napili si Johann Chua bilang manlalaro para sa koponan ng Asya na sasabak sa World Team Trophy - Billiards (Carom, Pool, Snooker). Ang kompetisyon ay masasaksihan ngayong Marso 11-12, 2019 sa Roissy, France.
Si Chua, dalawang beses na naghari sa All-Japan Billiards at isang bronze medalist sa AIMAG, ang kinatawan ng mga Asyano sa pool event habang makakaagapay niya si Vietnamese Nguyen at Luo Honghao ng China bilang tagabandera ng larong carom at snooker ayon sa pagkakasunod-sunod.
Tatlong iba pang grupo ang kasali sa men’s bracket ng kompetisyon: Europe, France at Rest of the World. Ganitong hatian din ang ginawa sa labanan ng mga kababaihan. Matatandaang inilunsad noong Nob. 30 ng 2018 sa pamosong landmark na Eiffel Tower ng pinagsamang puwersa ng French Billiards Federation (FFB) at ng World Confederation of Billiards Sports (WCBS) ang kampanya para mapabilang ang tatlong larangan sa Paris 2024 Olympics.





Comments