Mga government employee, bawal mangampanya


ISANG tulog na lang at magsisimula na ang election campaign.
Mas maingay, makulay at sana huwag namang madugo.
Labasan na ng mas matitinding gimik kung paano makukuha ang boto ng sambayanan.
Ito ang panahon na magkakaalaman ng sinusuportahang partido o kandidato.
Kaugnay nito, nauna nang nagpaalala ang Civil Service Commission (CSC) na sinundan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bawal ang mga empleyado ng gobyerno na mangampanya.
Ang pangangampanya para iboto ang isang kandidato ay paglabag sa Civil Service rules at sa Election Code ng Pilipinas.
Sa government employee na matigas ang ulo at makapal ang mukha na mapatutunayang nangampanya, maaaring maharap sa suspensiyon sa trabaho o tuluyang matanggal sa serbisyo.
Huwag nating gamitin ang posisyon at pagkakataon para makisawsaw sa eleksiyon.
Hindi masamang suportahan ang kandidatong personal nating gusto pero, may limitasyon.
Wala tayong karapatan na gamitin ang anumang pag-aari ng taumbayan para sa pamomolitika.
Ilan sa mga tinutukoy natin ay ang pondo, sasakyan, opisina at maging ang oras na inilalaan dapat sa paglilingkod sa taumbayan at hindi sa kandidatong pinagkakautangan ng loob.
Gayunman, kung hindi talaga kaya, puwede namang mag-resign at mag-focus na lang sa pangangampanya para walang problema.





Comments