top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

May kandidatong sabog sumagot, sabaw, pa-cute etc. SENATORIAL DEBATE, WA' 'WENTA!

RJ Nieto
Feb 11, 2019
3 min read

RJ NIETO / THINKING PINOY

KULANG na kulang sa sustansiya ang televised senatorial debates nu’ng Sabado. Mahigit 20 senatoriables ang dumalo at dalawang oras ang talakayan, kasama na ang commercials. Simpleng Math lang, maikli pa sa 5 minutes ang makukuhang total airtime ng bawat isa.

Pero, mabuti na ‘to kaysa sa wala kaya sige, busisiin natin ito nang konti.

Unahin natin ‘yung mga sinabi ng ilang kandidato na tumatak sa utak natin, starting with taga-Mindanao na ‘Otso Diretso’ candidate na si Samira Gutoc, na tinanong kung paano niya tutugunan ang terorismo sa Mindanao.

‘Ika ni Gutoc na kilalang anti-Martial Law, may isang pulis lamang sa bawat 3,000 tao sa Mindanao at gusto raw niyang punan ito sa pamamagitan ng bayanihan.

Hala, senglot ba si Gutoc nu’ng Sabado? Paano malalabanan ng karaniwang tao ang mga armadong sumasalakay? Sabog ang sagot ni Gutoc, lalo na’t inaasahan nating mas maalam siya komo galing siya sa Mindanao.

Ang problema kay Gutoc, parang sa libro lang niya natutunan ang Mindanao?

Isunod natin si Neri Colmenares ng Makabayan Party, na tinanong tungkol sa ugnayan ng Pilipinas at China.

Ipinagmalaki ni Colmenares na isa siya sa nagpatigil ng PH-China Joint Exploration ng Spratlys Island. ‘Ika ni Colmenares, dapat daw Pilipino ang makinabang sa yaman na nasa loob ng ating karagatan.

Agree tayong dapat makinabang tayo, pero hindi tayo agree na bawal ang pakikipagtulungan sa ibang bansa sa pagmina ng mga ito.

Bakit? Dahil matinding kapital at teknolohiya ang kailangan para ma-drill ang langis at natural gas sa South China Sea, kapital at teknolohiya na wala tayo.

Tingnan natin ‘yung Malampaya Gas Field sa Palawan na kinailangan pa nating makipagtulungan sa British-Dutch na Shell at sa Amerikanong Chevron.

Nalulunod si Colmenares sa sarili niyang idealismo. Kung masusunod ang gusto ni Colmenares, 2100 na at hindi pa rin natin namimina ang West Philippine Sea.

Ang gusto natin sa senador ay ‘yung matalino at praktikal — alam ang dapat gawin, pero marunong tumanggap sa katotohanang hindi perpekto ang magiging solusyon.

Ang problema kay Colmenares, perpekto palagi ang gusto. Hindi uusad ang bansa natin kung kagustuhan niya ang ipipilit.

Natatandaan din natin ‘yung batikang broadcaster na si Jiggy Manicad.

Tinanong siya tungkol sa pagtira sa kanya ng media kamakailan nang sabihin niyang maaaring may problema ang Rappler dahil sa foreign ownership.

‘Ika ni Manicad, malinaw sa Saligang-Batas na bawal ‘yun at idinagdag pa niya na nakita ng Press Freedom ang tungkulin na maging tapat at patas sa pagbabalita.

Maraming tapat na reporter, pero marami ring baluktot at si Manicad ang unang mamamahayag na narinig nating nagtalakay ng isyung ito.

So far, ok si Manicad, pero kailangan pa nating mas makilala siya.

Mapapansing absent sa debate ang karamihan ng mga sikat na kandidato tulad nina Mar Roxas at Bam Aquino, pero hindi na rin tayo nagtaka.

Kung um-attend si Roxas, baka hima­tayin siya kapag tinanong siya tungkol sa mga proyekto niya tulad sa “Yolanda” o palpak na Mahindra jeep ng pulisya.

Kung um-attend naman si Bam Aquino, baka malantad sa bayan na halos puro pamomolitika lang ang ginawa ng senador sa huling anim na taon. Totoong may nagawa siya tungkol sa Free College Tuition Law, pero batas tungkol sa pamimigay ‘yan.

Halos walang challenge sa free tuition nga­yong panahon ni Pangulong Duterte dahil suportado mismo ng Malakanyang ang batas na ito.

Ang problema, hindi inisip ni Bam kung paano ito mapopondohan nang sapat habang isinusulat niya ang batas.

Madaling maglista ng bilihin, pero mahirap kitain ang ipambibili.

‘Yun ang problema kay Bam, alam niyang gumastos, hindi niya alam kumita.

Bilang wrap-up, ililista natin ang mga pinakanakatatawang narinig natin sa debate.

Si Gary Alejano ng Magdalo, tila mas interesadong magpa-cute kaysa sa sumagot nang may laman. Noong nagsalita siya, akala natin, eh, sinasapian siya ni Rey Langit. Kung matalo siya sa Mayo, puwede na siguro siyang mag-apply na DJ sa radio.

Si Agnes Escudero naman, gusto raw bigyan ng award ‘yung mga umaabot ng 25 years na kasal. Susmaryosep, dagdag-gastos na naman!

Ang pinakatumambling tayo, eh, nu’ng may tinanong na, “Sir, 3 beses na kayong natalo, bakit tumatakbo pa kayo uli?”

Natadtad ang debate noong Sabado ng nuisance candidates. Kung binawasan lang sana ng GMA ang mga kandidatong sabaw ang brain cells baka gumanda ang debate.

Oo, may iilang moments of brilliance sa dalawang oras na palatuntunan. Pero 95% of time? Walang kasusta-sustansiya!

May turista raw na nagsaboy ng taho sa isang pulis matapos itong pagbawalan na magdala ng pagkain sa loob ng MRT. Kung sinuman ang may alam kung saan siya nakabili ng “ganu’ng kasarap” na taho, mag-email sa TP@ThinkingPinoy.Net o magkomento sa Facebook.Com/TheThinkingPinoy.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page