MAGRARAMBULAN SA NCRAA Q’FINALS ANG CEU, PMMS, UL AT OLIVAREZ

HINDI nakasisiguro ang mga liyamadong Centro Escolar University, Philippine Merchant Marine School, University of Luzon at defending champion Olivarez College sa pagsimula ngayong araw ng quarterfinals ng 26th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) sa Olivarez College. Bawal magkamali dahil magpapaalam na ang mga matatalo sa apat na laro.
Haharapin ng Olivarez ang Saint Francis of Assisi College sa tampok na laro ng 1:30 p.m. Isang puntos lang ang inilamang ng Olivarez sa Saint Francis, 66-65 sa pagbubukas ng liga noong Nobyembre 27. Kahit winalis pareho ng PMMS at CEU ang kanilang pitong laro sa elimination round, iba at mas mahusay na koponan sa una nilang tinalo ang lalabanan nila. Bubuksan ng PMMS ang araw kontra sa Lyceum of the Philippines University-Laguna sa 9:00 a.m. at susundan ito agad ng sagupaan ng CEU at De Ocampo Memorial College ng 10:30 a.m.
Natalo man sa kanilang unang dalawang laro, biglang nag-iba ang laro ng baguhang LPU dahil nasanay na sila sa taas ng kalidad ng laro sa NCRAA. Hindi magpapatalo ang DOMC dahil gusto na nila makuha ang kampeonato matapos mabigo sa huling dalawang taon sa Colegio de San Lorenzo at Olivarez.
Ngunit ang pinakamahigpit na laro ay inaasahan sa pagitan ng UL at PATTS. Kahit mas mataas ang ranggo ng UL, tinalo sila ng PATTS noong elimination round, 80-76, kung saan lumamang lang ang Seahorses sa huling dalawang minuto.





Comments