top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Kasabay ng matinding krisis, walang lugar ang takot sa pagpapahayag ng katotohanan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 11, 2019
  • 2 min read

MAGTATANGHALING-tapat noong ika-5 ng Pebrero 2019 nang tambangan ang kapitana ng Bgy. Bagong Silangan. Hindi lang si Kapitana Criselle “Beng” Beltran kundi pati rin ang kanyang drayber na si Melchor Salita ang namatay nang paulanan ng bala ang kanilang sasakyan ng walong lalaki. Malinaw na ang target ay ang kapitana. Lugmok sa malulub­hang tama sa dibdib ngunit, nakuha pang lapitan ng isang lalaki na pinaputukan sa ulo ang kapitana upang tiyaking patay na ito.

Kilala natin ang ilang mga kaibigan at supporter ng pinaslang na kapitana kaya naimbitahan tayo noong nakaraang Biyernes upang magmisa para sa kapitana at drayber nito. Naalala natin ang pinakahuling dalaw natin sa Bgy. Bagong Silangan noong pagkaraan ng matinding Bagyong Ondoy. Napakaraming namatay at nawalan ng mga ari-arian. Mukha itong dinaanan hindi lang ng bagyo kundi ng matinding digmaan. Halos lahat ng bahay, malaki o maliit man ay natan­ggalan ng bubungan. Natabunan ang maraming kabahayan ng burak na bumalot sa buong barangay.

Nang dumalaw tayo sa lugar na ito, inabutan nating naglilimas ng tubig at burak ang mga tao. Pilit nilang ibina­balik sa dati ang ayos at hitsura ng kanilang tahanan. Nang matapos ang Bagyong Ondoy at halos hindi na makita ang anumang bakas ng matinding bagyo, kakaibang bagyo ang dumating at su­malanta sa barangay noong nakaraang ika-5 ng Pebrero, bagamat, dalawang tao ang pinatay, malalim ang nilik­hang sugat ng pangyayaring ito.

Mabuting kapita­na si “Beng”, mahal at kinagigiliwan siya ng karamihan ng kan­yang ka-barangay. Dahil dito mala­lim na lungkot at panghihinayang ang namumuo sa kanilang puso. Ito ang problema, paano paghihiwa­layin ang bawat damdamin upang maipa­hayag ang lungkot, galit at panghihinayang?

Pagpunta natin sa Bgy. Bagong Silangan, napadaan tayo sa Bgy. Kumu­noy, naitanong natin sa mga sumundo sa atin kung bakit ganito ang pangalan ng barangay. “Maraming kumunoy dito noon.” Ito ang naging hamon natin sa homeliya: Pababayaan din ba ninyong basta na lang makalimutan hanggang sa mabura sa alaala ng lahat si Kapitana “Beng” at ang kanyang drayber na si Melchor? Matutulad din ba kayo sa dumaraming “zombies” dahil ayaw o takot silang magsalita at mamahayag ng kanilang galit at panghihinayang?

Napakarami ng mga mahaha­lagang institusyon na tila lumulubog na sa kumunoy. Pilit ding sinisiraan ang Simbahan para hindi na maulit ang dating matinding oposisyon laban sa katiwalian at korupsi­yon.

Sa gitna ng matinding krisis na kinahaharap natin, nanawagan pa rin tayo sa mga taga-Bgy. Bagong Silangan na huwag ilibing ang katoto­hanan at katarungan kasama ni Kapitana “Beng”.

Habang ipinagdarasal natin sina Kapitana “Beng” at Melchor na drayber nito, hingan din natin sila na ipagdasal tayo upang manatili tayong malaya at matatag laban sa maling politika na pu­ma­patay ng ating isip, puso, diwa at kaluluwa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page