PERPEKTO NA ANG KAMPANYA NI LORENO SA BATANG PINOY
- BULGAR

- Feb 10, 2019
- 2 min read

TULUYANG itinala ni John Carlo Margarito Loreno ng City of Koronadal ang perpektong kampanya matapos nitong sungkitin ang kanyang ikapitong gintong medalya sa archery Biyernes ng umaga sa ginaganap na 2019 Mindanao Qualifying Leg ng Philippine National Youth Games – Batang Pinoy.
Kinolekta ni Loreno ang 7 gold medal sa panghuling event na Olympic Round sa pagbigo kay Mycel Magallanes ng MACO Compostella Valley sa ginanap na “first to hit six points” na labanan kung saan nagawa nitong maitala ang pampanalong iskor sa huling set sa iskor na 7-2.
“Masayang-masaya po dahil nagawa ko pong magtala ng record para sa probinsiya namin sa Koronadal,” sabi ng 15-anyos na si Loreno na unang archers sa probinsiya na nagawang magwagi ng pitong gintong medalya at perpekto na maitala ang panalo sa lahat ng mga distansiya.
Tanging nakawala kay Loreno ang dapat sana na ikawalong ginto kung saan hindi nakasali ang team event dahil sa kakulangan sa mga kalahok na koponan sa torneo.
Una nang nakuha ni Loreno ang mga ginto sa 30m, 40m, 50m, 60m, Single Fita at Mixed team. “Huli ko na po na Batang Pinoy ito kaya po nagpapasalamat ako dahil nakagawa ako ng record dito sa tournament at sana po makayanan ko pa manalo sa national finals,” sabi ng 15-anyos na honor student sa Grade 9 sa Koronadal National Comprehensive High School.
Maagang nagdiwang ang tropa ng City of Koronadal dahil inakala nila na nakuha na ni Loreno ang ikapitong ginto sa pagsasagawa ng victory pose bago biglang iaanunsiyo ng officials na tabla ang laban at kailangan pa ng huling shot.
Gayunman, hindi binigo ni Loreno ang kanyang amang coach na si Rolly Loreno nang selyuhan nang tuluyan ang huling shot sa Olympic round matapos tanggalin ang pag-asa ng kalaban na si Mysel Magallanes ng Compostela Valley, habang nagtapos sa tanso si Christian Malunes ng Digos City.
Sa swimming, nakakuha ng 5 gold medal si John Alexander Michael Talosig ng North Cotabato matapos na pagharian ang huling event na 400m freestyle sa 4:28.85 tiyempo, kasunod si Alteddy James Sumaoy ng Davao del Norte (4:34.52s) at Leonardo Dalman III ng Dipolog City (4:42.97s). Tuluyan na din lumayo para sa pangkalahatang kampeonato ang Davao City na kinolekta ang kabuuang 42-31-47 (ginto-pilak-tanso) sa kabuuang 120 medalya habang nasa likod ang General Santos City (21-25-27=73) at ang Koronadal City na may 21-10-6=37. (ATD/MC)





Comments