Paalala sa mga gustong makapag-apply sa Loan Restructuring Program (LRP) sa SSS
- BULGAR

- Feb 10, 2019
- 3 min read
Dear SSS,
Magandang araw, dati akong nagtatrabaho sa isang warehouse sa Pasay City. Noong 2007, lumipat ako ng trabaho sa consulting firm sa Ortigas. Mayroon akong SSS loan sa dati kong trabaho na hindi ko naipakaltas sa employer ko ngayon. Kaya mula 2007, hindi ko na ito nabayaran. Nangangamba akong malaki na ang penalty nito. Nais kong malaman kung mayroon bang condonation program ang SSS? — Inah
Sagot
Para sa inyong kaalaman, mayroong ipinatutupad na Loan Restructuring Program (LRP) ang SSS ngunit, hanggang Abril 1, 2019 na lang tatanggap ng aplikasyon para sa LRP ang mga sangay ng SSS kaya iminumungkahi namin na agad na kayong magtungo sa pinakamalapit ng sangay ng SSS para sa LRP.
Sa ilalim ng LRP, babayaran na lang ng miyembro ang natitirang prinsipal na halaga ng utang at interest. Hindi na sisingilin ng SSS ang multa o penalty nito. Maaaring mag-apply sa LRP ang mga miyembro na may past due loan tulad ng Salary Loan, Emergency Loan, Educational Loan (old), Study Now Pay Later Plan, Voc-Tech Loans, Y2K Loan and Investments Incentive Loan. Dapat naninirahan o nagtatrabaho ang miyembro sa lugar na nasalanta ng kalamidad na idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) o ng National Government.
Para makapag-apply sa LRP, kailangan na ang utang ay hindi nabayaran ng anim na buwan mula sa ikalawang pagpapatupad ng LRP. Dapat naninirahan o nagtatrabaho ang miyembro sa lugar na idineklarang calamity area at mapatutunayan ito sa pamamagitan ng Affidavit of Residency na dapat isumite kasama ng aplikasyon sa LRP.
Kinakailangang ang mga aplikante ng LRP ay magdala ng napunan na Loan Restructuring Application Form at valid IDs. Para sa mga nais mag-apply ngunit, wala sa bansa, kailangan lang na may Letter of Authority (LOA) ang kanyang kinatawan.
Maaaring bayaran ng mga miyembro ang kanilang overdue loan sa loob ng 30 araw na walang dagdag na interest o mag-apply para sa installment payment term na maaaring bayaran sa loob ng limang taon na may tatlong porsiyentong interest kada taon.
Hindi maaaring mag-apply sa LRP ang miyembro na nabigyan ng final benefit claim tulad ng retirement at total disability bago ipinatupad ang ikalawang LRP noong Abril 2, 2018. Gayundin, bawal mag-apply sa LRP ang mga miyembrong kinasuhan dahil sa panloloko laban sa SSS.
Ang mga maaaprubahang aplikante sa LRP ngayong taon ay hindi na maaaring mag-apply sa kahit anumang loan condonation program na ipatutupad muli ng SSS. Ito ay para maging responsable sa pagbabayad ng utang ang mga miyembro ng pension fund.
Inuulit natin, hanggang Abril 1, 2019 na lang ang pagsusumite ng aplikasyon para sa LRP. Hinihikayat ang mga miyembro na may utang na huwag palagpasin ang pagkakataong ito na ibinibigay ng SSS upang mabayaran ang ating pagkakautang. Sana ay huwag na nating hintayin ang deadline upang hindi mahuli sa pagpa-file ng aplikasyon.
Nawa’y nasagot ang iyong katanungan.
◘◘◘
Nais natin ipaalam sa ating mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa ating panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang ating mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments