NIETES AT PALICTE, INATASAN NG WBO NA MAGLABAN SA REMATCH


Photo : RingTv
INATASAN ng WBO sina WBO junior bantamweight champion Donnie Nietes at kapwa Pinoy na si Aston Palicte na simulan na ang negosasyon para sa rematch.
Matatandaang nagtapos si Palicte sa split draw laban kay Nietes noong Setyembre at kamakailan ay pinabagsak si Jose Chiquiro Martinez ng Puerto Rico upang maging mandatory challenger para sa WBO belt.
Ayon sa Philboxing, ito na rin ang humikayat sa boxing organization na iatas ang negosasyon sa pagitan ng dalawang kampo sa loob ng 15 araw, at kung hindi ay maglulunsad ang boxing body ng purse bid.
Pero ayon sa promoter ni Nietes na si Michael Aldeguer ng ALA Boxing Promotions titingnan nila ang by-laws ng WBO at alamin ang dapat para sa ‘longest reigning Filipino world champion.’ Kung ang unification bout laban sa sinumang kapwa kampeon ni Nietes ay available, iyon ang kanilang uunahin.
“We’ll have to see. If we get a unification fight on the table and we get approval from the WBO, we consider that, that’s part of the WBO’s by-laws,” saad ni Aldeguer sa phone interview.
Aniya, iyon din ang parehong ruta na ginawa nila para kay Milan Melindo, na hinarap si Ryoichi Taguchi para sa title unification bout sa kabila ng mandatory fight kay Hekkie Budler.
Idinagdag niya na ang rematch kay Palicte ay hindi na kailangan ayon sa resulta ng una nilang laban. Pinipilit niyang si Nietes ang nagwagi sa laban at wala nang dapat na rematch. “He wants the big fights out there, that’s something that he needs right now. There’s nothing much more he can prove. He’s a 4-division champion and has accomplished a lot,” ayon kay Aldeguer. (MC)





Comments