top of page
Pokwang.jpg

2 NOYPI, NAPILI SA 24-MAN WORLD POOL MASTERS

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 10, 2019
2 min read

KASAMA ang dalawang Pinoy na sina Alex “ The Lion” Pagulayan at Jeffrey “The Bull” De Luna sa mga matitikas na bilyarista mula sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig na napiling lumahok sa malupit na 24-kataong 2019 World Pool Masters sa loob ng Victoria Stadium ng Gibraltar ngayong Marso 29 - 31.

Mainit ang arangkada ni Pagulayan, tubong Isabela, ngayong 2019. Kamakailan, itinanghal siyang kampeon sa 32nd Annual Music City Open 9-Ball Championships na ginanap sa Madison, Tennessee.

Naramdaman ang kamandag ng dating World 9-Ball champion nang daigin ni Pagulayan si John Gabriel na dalawang beses niyang tinalo sa huling dalawang sagupaan ng kompetisyon.

Sa kabilang dako, ang kapwa 34-taong-gulang na si De Luna ay nagmarka sa 6th Annual Cole Dickson 9-Ball tourney sa California at sa Sunshine City 9-Ball Tournament sa Florida nang tanghalin siyang hari ng mga paligsahang ito.

Matinding hamon ang haharapin ng dalawang kinatawan ng lahing kayumanggi sa prestihiyosong 9-ball tilt dahil nagkakainteres din sa malaking parte ng kabuuang $100,000 winners’ cash pot ang nagtatanggol na kampeong Niels Feijen ng Netherlands (naghari rin noong 2013), Scottish Jayson Shaw na siya ring kasalukuyang hari ng US Open, ang pambato ng Taiwan na si Ko Pin-yi, si Polish ace at European 9-Ball champion Konrad Juszczyszyn, World 9-Ball titlist Joshua Filler ng Germany, dating World Pool Billiards Association no. 1 Eklent Kasi ng Albania, si Mosconi Cup MVP Skyler Woodward ng USA at ang WPA no.1 lady player na si Han Yu ng China.

Kasali rin sa sabong ang isa pang USA stalwart at itinuturing na Mosconi Cup hero na si Shane Van Boening. Ang manunumbok na kilala sa bansag na Dakota Kid ay kasalukuyang pampito sa WPA rankings at dalawang beses nang naghari sa torneo (2014-2015).

Aaligid din sa trono ang Japanese gem na si Naoyuki Oi, 2017 winner David Alcaide ng Spain, Chinese ace Wu Jiaqing, Matt Edwards mula sa New Zealand, ang Kastilang si Francisco Sanchez Ruiz at si Albin Ouschan bilang kinatawan ng Austria.

Kamakailan ay nakumpleto ang listahan ng mga imbitadong bilyarista nang maging “fans’ choice si Chris Melling ng Great Britain. (Eddie M. Paez, Jr.)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page