top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Programang mangangasiwa sa pangangailangan at problema nina lolo’t lola, oks!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 9, 2019
  • 2 min read

NOONG iakda ng ating yumaong ama na si dating Senate President Ed Angara ang Senior Citizens Law, ang nasa isip niya ay ang hinaharap ng mga kababayan nating naging bahagi ng ating pag-unlad dahil sa kanilang kon­tribus­yon sa ekonomiya.

Ang mga nakatatanda, isa rin sa mga nagpalakas sa kabuhayan noong kala­kasan pa nila, dating taxpayers na ma­laki ang naibahagi sa pag-unlad.

Pero, sa rami ng kanilang mga pa­ngangailangan sa kanilang “twilight years”, ano ba ang dapat ibalik sa ka­nila ng gobyerno?

Sa kasalukuyan, mayroon tayong Office of Senior Citizens Affairs. Tang­gapan ito na tumutugon sa mga panga­ngailangan ng mga senior citizen.

Pero, ang problema natin, wala itong central leadership na dapat ma­ngasiwa sa lahat ng pangangailangan at problema ng senior citizens.

Ang kailangan natin, departamen­tong nakatutok sa kanilang kapaka­nan.

Sa ating panukalang-batas, ang Se­nate Bill 2099, ipinanawagan natin ang paglikha sa Council for the Welfare of Senior Citizens o CWSC.

Isasailalim ang pamamalakad nito sa tanggapan ng pangulo. Ito ang departamentong aatasang bumuo ng mga programa para sa promosyon ng kapakanan nina lolo at lola.

Ito rin ang sisiguro na naipagka­kaloob sa kanila ang lahat ng kauku­lang benepisyo.

Sakaling maisabatas, magsisilbi itong “reward” sa mga senior citizen. Pagkilala ito sa kanilang naiambag sa paglago ng ekonomiya noong kanilang kabataan.

Noong 2010, naitalang mahigit 6 milyon ang mga kababayan nating 60-anyos pataas. Tinatayang bago sumapit ang 2045, aabot na sa mahigit 22 milyon ang mga senior citizen.

Malaking hamon ito sa mga dara­ting na liderato ng bansa sa hinaharap — ang bigyan ng pagkalinga at pag­kilala ang milyun-milyong senior ci­tizens na naging kaagapay ng gobyerno sa pag­papayaman ng Pilipinas.

Ngayon pa lang, sana, masimulan na ang malalim na pagpapahalaga sa ka­nila dahil marami pang henerasyon ang darating at tiyak na mangangaila­ngan din ng suporta.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page