Nakalalasong basura sa Manila Bay, magpapatuloy lang kapag hindi nagbago ang mamamayan
- BULGAR

- Feb 9, 2019
- 2 min read
BATA pa lang tayo noong 1960, tuwing Sabado ay nakikita at lubha nating ikinatutuwa ang tanawin sa Manila Bay sa Roxas Boulevard. Nagtatrabaho noon ang aking ama sa kumpanya na malapit sa Manila Hotel at South Harbor. Ibang-iba noon ang Manila Bay at Roxas Boulevard, napakalinis at napakaganda. Kayganda ng Manila Bay, kayganda ng Pilipinas.
Subalit, hindi nagtagal, nagbago ang maraming bagay sa bansa — nagbago ang politika, kultura, ekonomiya at kabuhayan, lalo na ang karamihan sa mga Pinoy. Dumagsa ang tao sa Maynila, naging malaking suliranin ang pabahay at kabuhayan.
Napakatagal nang panahong ‘yun at napakalayo na ngayon sa sinaunang kalagayan ng kapaligiran tulad ng mga bukal, ilog, lawa at dagat. Ang malinaw na ebidensiya ay ang mga basura na itinapon sa kung saan-saan. Pansinin natin ang kalagayan ng Ilog-Pasig, Tulyahan, Tinajeros at marami pang iba. Napakaganda ng mga ilog na ito noon. Doon makikilala ang kakaibang mukha ng Diyos na malayo sa karaniwang nakikita sa mga retablo sa gitna ng mga luma at bagong Simbahan. Malalim at mahiwaga ang pagpapakitang ginagawa ng Diyos sa kalikasan.
Napakagandang alaala ang panahon ng paglalakad namin ng aking mahal na ama sa tabi ng breakwater ng Manila Bay. Sinikap pang dalhin tayo ni tatay sa iba’t ibang swimming pool at kilalang “agua caliente” o hot springs tulad ng maraming paliguan sa Pansol, Laguna. Ito marahil ang dahilan kaya napili ng aking ama na magtayo ng bahay sa Malabon, hindi kalayuan sa dagat.
Salamat naman, tinututukang linisin ang Manila Bay. Mabilis ang naging positibong epekto nito, kaya ganu’n na lang ang pagpupumilit ng marami na lumangoy dito. Subalit, alam ng mga eksperto ang mga basurang hindi nakikita ngunit, kayang magdulot ng matinding pinsala sa kalusugan. Kaya itinaas ang mga karatula sa paligid ng Manila Bay na ipinagbabawal ang paglangoy.
Tama lang na ipagbawal ang paglangoy sa Manila Bay sa ngayon, ngunit, hindi ba, kailangang akayin ang lahat na bumalik sa tubig at muling yakapin at namnamin ito tulad ng sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina? Hanggat hindi tayo bumabalik sa taimtim na paggalang, pagkalinga at pagmamahal sa tubig at sa kalikasan, hindi magtatagal ay babalik ang pangit at nakakalasong basura sa Manila Bay.





Comments