Matapos mag-viral sa Facebook | 17-ANYOS NA ‘DINUKOT’, NAGLAYAS LANG PALA

KUMALAT at naging viral sa Facebook kahapon ang paghingi ng tulong ng 17-anyos na dalagitang dinukot umano sa Cavite pero, nakatakas at ang mga larawan niyang sugat-sugat na gawa umano ng mga kumuha sa kanya, pero nang imbestigahan ay nadiskubreng gawa-gawa lang pala niya ang lahat.
Base sa unang post na kumalat, humingi ng tulong ang dalagita sa kanyang nobyo, kapatid at kaibigan na sinusundan siya ng lalaki habang naglalakad sa Trece Martires City at pagkatapos ng mensaheng naipadala niya ay nakatago lang siya sa aparador at nakatakas mula sa mga kumuha sa kanya sa Amadeo, Cavite.
Gayunman, nang imbestigahan at sa tulong ng CCTV, lumalabas na nag-videoke pa ito kasama ang mga kaibigan at nang mag-uwian ay sumakay pa siya ng jeep palabas ng Trece.
Ayon pa kay PO2 Maria de Guzman ng Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD), doon na umamin ang dalagita na siya lang ang may gawa ng mga sugat niya sa katawan at wala umanong dumukot sa kanya.
Nagawa lang umano niya iyon dahil sa depresyon sa mga magulang dahil hindi naibibigay ang mga bagay na ipinabibili niya at madalas pa siyang napagagalitan.
Nabatid pa na hindi na pumapasok sa eskuwelahan ang dalagita kahit na araw-araw umano itong umaalis para pumasok.
Isasailalim na ngayon sa counseling ng WCPD center ang dalagita at kanyang mga magulang.





Comments